Home TOP STORIES Oducado: Isantabi politika, Pangulo bigyan ng dagdag-kapangyarihan sa pigil-presyo

Oducado: Isantabi politika, Pangulo bigyan ng dagdag-kapangyarihan sa pigil-presyo

118
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si 1Tahanan Party-list Rep. Nathaniel “Mr. Tulong” Oducado sa kanyang kapwa mambabatas na isantabi muna ang pulitika at magkaisa sa paghahanap ng agarang solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Ayon kay Oducado, panahon na upang ituon ang pansin sa trabaho at sa kapakanan ng mamamayan, lalo na sa gitna ng krisis sa langis na direktang nagpapahirap sa bulsa ng mga Pilipino.

“Hindi na panahon ng bangayan—panahon na ito ng pagkilos. Kung talagang para tayo sa tao, dapat sama-sama nating harapin ang pagtaas ng presyo ng bilihin. Ang tunay na laban ngayon ay laban sa gutom at hirap, hindi laban sa isa’t isa,” ani Oducado.

Iginiit ng kongresista na kinakailangan ding mabigyan ng sapat na kapangyarihan ang Pangulo upang makapagpatupad ng mga agarang hakbang para makontrol ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

“Hindi ito usapin ng politika kundi ng proteksyon sa mamamayan. Kung kailangan ng dagdag na kapangyarihan ang Pangulo para maagapan ang taas-presyo, dapat itong pag-usapan at pagkaisahan. Ang mahalaga, may konkretong aksyon para mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Oducado na mahalaga ang papel ng mga mambabatas, lalo na ng mga party-list na kumakatawan sa marginalized sector, sa pagtutulak ng mga panukalang makakatulong sa pagkontrol ng presyo at pagpapalakas ng social protection programs.

“Bilang kinatawan ng marginalized sector, obligasyon nating tiyakin na may sapat na safeguard laban sa abuso at may malinaw na benepisyo sa tao ang anumang hakbang. Hindi ito pagsunod sa administrasyon—ito ay pagtindig para sa kapakanan ng mamamayan,” paliwanag ni Oducado.

Sa huli, muling iginiit ng kongresista na ang tunay na sukatan ng liderato ay nasa kakayahang maghatid ng solusyon sa gitna ng krisis—at dito aniya dapat magkaisa ang lahat. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here