MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na nakatanggap siya ng ulat mula sa Washington na si US President Donald Trump ay nakikipag-negosasyon umano sa mga lider ng Iran, bagay na maaaring hindi alam ng ilang opisyal sa bureaucracy.
Sa Kapihan sa Manila Hotel forum nitong Miyerkules, Marso 25, sinabi ni Lazaro na patuloy na tinitingnan ng DFA ang mga ulat at umaasa silang kung magkakaroon ng kasunduan, ito ay makatutulong dahil may epekto ito sa buong mundo.
Ayon sa kanya, may mga ulat mula sa Philippine embassy sa Washington, D.C. na si Trump mismo ang nakikipag-usap sa ilang lider ng Iran.
“Siguro ‘di lang alam ng buong bureaucracy ng Iran sino kausap (Maybe the Iranian bureaucracy with whom Trump was talking to),” dagdag niya.
Hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye, ngunit sinabi niyang mahalaga ito para sa Pilipinas at sa buong mundo.
Noong Martes, Marso 24, sinabi ni Trump sa kanyang Truth Social post na may “very good and productive conversations” ang US at Iran upang tapusin ang tensyon sa Middle East, at iniurong ang planong US strikes sa Iran sa loob ng limang araw.
Ngunit itinanggi ng isang Iranian military spokesman ang usapin at sinabing “talking to himself” lamang si Trump.
Noong Huwebes, Marso 26, sinabi naman ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na may palitan ng mensahe sa pagitan ng US at Iran sa pamamagitan ng mediated talks sa Pakistan, ngunit tumanggi ang Tehran sa 15-point plan ng US para tapusin ang giyera. RNT/MND