MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Bam Aquino sa lahat ng kaukulang ahensya ng gobyerno na pabilisin ang pagkilos tulad ng bilis ng pagtaas ng presyo ng gasoline at diesel saka nanawagan ng agarang pagpupulong ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee upang matugunan ang lumalalang krisis sa presyo ng langis sa bansa at ang tumitinding pasanin sa mga pamilyang Pilipino.
Sa pahayag, sinabi ni Aquino na ang UPLIFT Committee ay isang inter-agency body na itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Executive Order No. 110 upang bantayan ang estado ng national energy emergency.
Inaayos ng komite, na pinamumunuan ng Pangulo, ang koordinasyon ng gobyerno sa posibleng pagkaantala o kakulangan sa suplay ng langis at enerhiya.
Binigyang-diin ni Aquino ang pangangailangan para sa agarang at matibay na aksyon upang mapagaan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, lalo na sa mga sektor na pinakaapektado tulad ng transport workers at maliliit na negosyo.
“We impress upon you to please move as fast as the price of diesel and gasoline, and gasoline is going up. Move as fast as that. Kung kada linggo, tumataas iyong presyo ng diesel at gasoline dapat kada linggo, nagmi-meet rin kayo para may update kayo sa taumbayan,” sabi ni Aquino sa Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee hearing.
“I mean, the name is crisis committee, so pag crisis, kailangan mabilis tayong gumalaw, gumalaw na tayo now,” dagdag niya, kasabay ng paggiit para sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng publiko, partikular ang mga pinakaapektadong sektor.
Nang ipaalam sa kanya na nakatakda ang pagpupulong ng UPLIFT Committee sa susunod na linggo, hinikayat ni Aquino ang mga kaukulang ahensya na simulan na agad ang inter-agency coordination—kahit bago ang pormal na pagpupulong—upang mapabilis ang talakayan at matiyak na handa na ang konkretong hakbang para sa implementasyon.
Kasabay nito, hinimok ni Aquino ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na kumilos agad kaugnay sa implementasyon ng batas na nagpapahintulot sa Pangulo na suspindihin ang pangongolekta ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Pinapayagan ng Republic Act No. 12316 ang Pangulo, sa rekomendasyon ng DBCC at sa koordinasyon ng Energy Secretary, na suspendihin o bawasan ang excise tax sa langis kung ang presyo ng Dubai crude oil ay umabot o lumampas sa US$80 kada bariles sa loob ng isang buwan.
“Nagmadali kami para mapasa iyong batas na iyan. Sana po madaliin niyo rin iyong pag-implement nung batas,” diin ni Aquino, na nagsabi pa na inuna ng Senado ang nasabing panukala matapos itong i-certify bilang urgent ng Pangulong Marcos.
“Please convene the DBCC para ma-trigger na iyong pagbaba ng excise tax,” dagdag niya, sa pagsasabing makakatulong ito upang mapagaan ang pasanin ng mga Pilipinong naapektuhan ng mataas na presyo ng langis.
Samantala, hinimok din ni Aquino ang mga ahensya na magtatag ng maayos at mabilis na proseso para sa pagbibigay ng ayuda sa transport workers upang agad nilang matanggap ang tulong pinansyal nang walang pagkaantala na maaaring makaapekto sa kanilang kabuhayan.
Binigyang-diin ni Aquino ang pangangailangan para sa iisang pagkilos mula sa gobyerno, sa pagsasabing ang magkakahiwalay na proseso sa pagbibigay ng ayuda ay maaaring mauwi sa hindi epektibong pamamahagi o pagkawala sa listahan ng ilang benepisyaryo.
“Alam ko may kanya-kanya kayong mga responsibilidad, pondo at lahat, but we need to have a consolidated approach here. Posibleng nagdodoble iyong tulong o posibleng akala natin nasa kabilang listahan, iyon pala wala sa listahan,” paliwanag niya.
“Kasi kahit iyong pagtanggap ng pera, posibleng nakakaantala doon sa pang-araw-araw na pamamasada po nila,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Aquino ang pahayag kasunod ng reklamo ni Manibela president Mar Valbuena na kailangang maghintay ng transport workers—tulad ng mga drayber ng jeepney at UV Express—ng ilang oras bago matanggap ang cash assistance, habang ang iba naman ay hindi naisama sa listahan ng mga benepisyaryo. Ernie Reyes