NUEVA ECIJA, Philippines — Bukod sa smuggling at leakages, ang hindi kontroladong pag-aangkat ng sibuyas ay nagpapahirap sa mga Pilipinong magsasaka, at lumalala ang problema dahil sa hindi magkakaugnay na datos ng gobyerno at sa palpak na pagtugon ng ilang ahensya ng gobyerno, ani Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Huwebes.
Binatikos ni Lacson ang Department of Agriculture (DA) at Philippine Statistics Authority (PSA) dahil sa mga hindi pagtutugma ng datos tungkol sa produksyon at pagkonsumo ng sibuyas, na nakahahadlang sa gobyerno sa paggawa ng tamang desisyon upang matulungan ang mga magsasaka.
Sa pagdinig ng Senate agriculture at local government committees dito na tumatalakay sa sistematikong pagbagsak ng farm-gate price ng sibuyas, binigyang-diin din niya ang napakalawak na puwang sa komunikasyon sa pagitan ng DA at mga stakeholder.
“Paano tayo magkaroon ng magandang decision kung di kayo magkasundo?” tanong niya, na tinukoy ang mga kinatawan ng DA at PSA.
“Napakaimportante na kumpleto at accurate ang data para kung magpaplano tayo. Maski sa military operations, kung mali ang assumption, debacle—patay ang lahat na sundalo,” dagdag niya.
Ayon sa kinatawan ng PSA, naka-produce ang Pilipinas ng 308,660 metric tons ng sibuyas noong 2025, na ayon kay Lacson ay maaaring magpahiwatig ng sobra na humigit kumulang 13,000 metric tons.
Ngunit binanggit din niya na umabot sa 94,000 metric tons ang na-import na sibuyas noong parehong taon, at maaaring mas mataas pa—posibleng umabot sa 150,000 metric tons—kung isasama ang smuggling at leakages.
Samantala, binanggit ni Lacson na pag in-extrapolate ang datos ng DA na umabot sa 245,988 metric tons ang produksyon ng sibuyas noong 2025 sa Regions 1, 2, 3, at Mimaropa, magkakaroon ng kakulangan na 22,035 metric tons.
“Ganyan magkalayo ang inyong datos. Paano tayo magkaroon ng magandang decision kung hindi kayo magkasundo?” ani Lacson.
Binatikos din niya ang “pattern” ng sobrang pag-aangkat, at tinukoy ang 94,000 metric tons na na-import noong nakaraang taon na lumampas sa tinatayang kakulangan. Pinuna rin niya ang DA sa napakalawak na puwang ng komunikasyon nito sa mga stakeholder.
“Mukhang napakalawak ng communication gap. Napakalawak ng communication gap between stakeholders and the DA. Kinokonsulta ba kayo ng DA? Gaano kadalas? Kung kino-consult man, pinapakinggan ba kayo?” tanong niya.
“Kahit weekly ang consultations, pero kung hindi kayo pinapakinggan, useless ang consultations,” dagdag pa niya.
Pinuna din ni Lacson ang DA sa kakulangan ng aksyon sa sitwasyon ng onion growers sa Occidental Mindoro, matapos ikwento ng isang magsasaka galing sa bayan ng Magsaysay na 40 porsyento ng 26,000 metric tons nila ay hindi maani dahil walang tinigil ang pagbibili nito. Dahil dito, aniya, kailangan nilang bunutin ang sibuyas nila.
“Ngayon nyo lang ba narinig ito, ang problemang yan? Di ba dapat minomonitor nyo yan? Kung ganito ang klaseng officials ng gobyerno natin, talagang walang mangyayari sa agriculture sector natin,” tanong ni Lacson sa kinatawan ng DA sa pagdinig.
Dagdag ni Lacson, bagama’t sinabi ng DA na tutugunan nila ang problema, walang pondo sa 2026 budget para dito bagama’t maaaring i-realign ng Pangulo ang pondo ng budget kung kinakailangan.
“May pondo sa palay, P9 billion; sa onion growers wala … Why make public pronouncements, bibigyan nyo false hopes ang onion growers?” aniya.
“It’s a matter of coordinating with each other and consulting with stakeholders, which you are not doing,” dagdag niya.
* Bilyon-Bilyong Nawalang Buwis sa Pakikipagkalakalan sa Tsina
Ani Lacson, nawalan ang Pilipinas ng hindi bababa sa P267.13 bilyon sa buwis mula sa kalakalan sa Tsina noong 2023, at ang malaking bahagi nito ay maaaring dahil sa smuggling at leakages.
Binanggit niya ang hindi pagtutugma sa tala ng Pilipinas at Tsina na nagpapakita ng P143.82 bilyon na nawalang value-added tax at P123.31 bilyon na nawalang income tax.
Ayon sa datos ng World Integrated Trade Solutions (WITS) ng World Bank noong 2023, iniulat ng Pilipinas na $30.933 bilyon ang na-import mula Tsina, samantalang iniulat ng Tsina na $52.4 bilyon ang na-export sa Pilipinas.
Ito ay may diperensya na $21.4668 bilyon, o P143.82 bilyon na posibleng nawalang 12% VAT, batay sa palitan na P55.83 sa bawat $1.
“Anong ibig sabihin noon? Smuggling. Underdeclared, misdeclared, o hindi idineklara,” paliwanag niya.
“P143.82 bilyon. Yan ang leakage sa ating dapat makolektang buwis,” dagdag niya, na tumutukoy sa mga kinatawan ng Bureau of Customs.
Ayon sa iba pang datos mula sa World Bank, iniulat ng Tsina na $10.647 bilyon ang na-export ng Pilipinas sa Tsina, at $19.4828 bilyon ang na-import ng Tsina mula sa Pilipinas. Ito ay may diperensya na $8.835 bilyon, o posibleng P123.31 bilyon na nawalang income tax.
“Dinadaya naman dito ang income tax. Di tayo tina-tax sa export,” ani Lacson. Ernie Reyes