MANILA, Philippines- Makikipagpulong si House Deputy Speaker at Bacolod City Rep Albee Benitez kay House Speaker Faustino Dy upang talakayin ang isinusulong na Bayanihan for Economic Resilience and National Stability Act of 2026 na siyang tugon sa nararanasang krisis sa enerhiya.
Ayon kay Benitez, ngayong Biyernes, Marso 27, ang pakikipagpulong niya kay Dy at umaasa siyang susuportahan din ng kanyang kapwa mambabatas ang panukala. Aniya, gaya ng Senado ay handa rin ang Kamara sa pagsasagawa ng special legislative session kahit pa naka-break upang makatugon sa global crisis.
“We are ready to act, even if it means holding a special session, because the situation demands urgency,” pahayag ni Benitez.
Ang Bayanihan Act na isinusulong ni Benitez ay pagbibigay ng temporary emergency power kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.. Ang konsepto nito ay maihahalintulad sa naging tugon sa COVID-19 pandemic, ngunit ang sentro sa ngayon ay para sa energy security, inflation control, at economic stability.
Ipinaliwanag ni Benitez na ang isinusulong niyang Bayanihan measure ay nakaangkla sa nauna nang deklarasyon ng Pangulo ng state of national emergency.
“This bill seeks to empower the Executive to respond efficiently to this evolving crisis while ensuring transparency, accountability, and targeted relief by providing emergency powers, fiscal flexibility and strategic interventions to stabilize prices, protect vulnerable sectors and ensure national resilience,” paliwanag ni Benitez.
Sa oras na maisulong ang panukala ni Benitez, mabibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na mag-reallocate ng government funds, mag-streamline ng procurement process, at magpatupad ng mga intervention nang walang pagkaantala, ito ay inaasahang magreresulta sa mas mabilis na rollout ng mga programa ng pamahalaan bilang tugon sa energy crisis.
Ang pondo ng gobyerno ay maaari ring ituon sa mga kritikal na sektor gaya ng enerhiya, transportasyon, agrikultura, at social protection, kabilang ang pagbibigay ng subsidiya sa langis, kuryente, at mga pangunahing bilihin upang maibsan ang epekto ng krisis.
Dagdag pa ni Benitez, mahalaga rin ang pagkakaroon ng malinaw na mekanismo para sa transparency at accountability upang matiyak na maayos na magagamit ang pondo at kapangyarihang ipagkakaloob sa ilalim ng panukala. Aniya, magkakaroon ng regular na pag-uulat sa Kongreso upang mabantayan ang implementasyon nito.
Nanawagan din ang mambabatas sa kanyang mga kapwa opisyal sa Kamara na agarang talakayin ang panukala sa oras na ito ay maisumite, iginiit na kinakailangan ang mabilis ngunit maingat na aksyon upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga Pilipino at mapanatili ang katatagan ng ekonomiya sa gitna ng lumalalang global energy crisis. Gail Mendoza