MANILA, Philippines – Pinaghahanda na ang mga motorista sa panibagong matinding pagtaas ng presyo ng langis sa susunod na linggo, kung saan inaasahang aabot hanggang P146 kada litro ang diesel dahil sa patuloy na epekto ng krisis sa Middle East.
Ayon sa isang oil industry source na tumukoy sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa nakalipas na apat na araw, posibleng tumaas ng P11 hanggang P12 kada litro ang diesel. Maaari nitong itulak ang presyo sa P118 hanggang P146.3 kada litro mula sa kasalukuyang P107 hanggang P134.30, kasunod ng ipinatupad na P15 hanggang P18 na dagdag-presyo ngayong linggo.
Posible ring tumaas ang premium diesel na maaaring umabot sa P125 hanggang P156 kada litro mula sa kasalukuyang P115 hanggang P144.
Samantala, ang gasolina ay maaaring walang galaw o tumaas ng hanggang P3 kada litro, na posibleng umabot sa P115.4.
Sa kabila nito, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ng krudo ang bansa hanggang Hunyo 30, 2026.
”Mayroon na tayong supply of crude oil, sufficient supply, hanggang June 30… tuloy pa rin ang paghahanap natin ng supply,” pahayag ni Marcos sa sidelines ng pagbubukas ng NAIA Expressway Phase II.
Nauna nang idineklara ng Pangulo ang state of national energy emergency noong Marso 24 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Santi Celario