BILANG founder at pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, hindi ko maaaring palampasin ang tahasang pagtanggi ng Malacañang na may umiiral na oil crisis sa bansa. Sa kabila ng malinaw at araw-araw na epekto nito sa mamamayan, pinipili ng pamahalaan na baluktutin ang reyalidad—isang hakbang na malinaw na pampulitika, hindi makatao.
Hindi kailangan ng estadistika o numero upang patunayan ang krisis. Lumabas lamang sa kalsada at makipag-usap sa mga drayber at commuter mababatid na totoong umiiral ang krisis. Bawas pasada, luging kita, at pamasahe na hindi na kayang saluhin ng ordinaryong manggagawa—iyan ang totoong larawan ng sitwasyon. Kaya naman hindi na talaga dapat itanggi ng gobyerno dahil habang ipinagkakaila nila, tuloy-tuloy naman ang pagdurusa ng mamamayang Pilipino.
Kapag sinasabi ng pamahalaan na walang oil crisis, hindi nito binabago ang katotohanan. Sa halip, lalo lamang nitong inilalayo ang sarili sa reyalidad at pinapalalim ang kawalan ng tiwala ng publiko. Hindi ito simpleng maling pahayag subalit ito ay malinaw na pag-iinsulto sa talino at karanasan ng bawat Pilipino na araw-araw nakikipagsapalaran sa mahal na bilihin at mataas na pamasahe.
Mas nakababahala ang kawalan ng seryosong plano. Ang ayuda na ibinibigay sa transport sector ay panandalian lamang at masasabing isang band-aid solution na mabilis maubos at walang iniwang pangmatagalang ginhawa. Hindi ito solusyon kundi isang uri ng pamamalimos na lalo pang nagpalalalim sa kultura ng pag-asa sa limos ng gobyerno.
Matagal nang inihain ang mga konkretong hakbang—ang pagtanggal ng fuel excise tax, ang muling pagbusisi sa oil deregulation law, at ang pagbuo ng sariling matatag na pinagkukunan ng enerhiya. Ngunit bakit tila walang aksyon? Dahil ba mas madali ang magpabango ng imahe sa pamamagitan ng ayuda kaysa harapin ang masalimuot ngunit kinakailangang reporma?
Ang masakit na katotohanan ay hindi lamang ito krisis sa langis. Ito ay krisis sa pamumuno—isang lideratong mas sanay sa pagdadahilan kaysa sa pag-aksyon, mas bihasa sa pag-iwas kaysa sa pag-ako ng responsibilidad.
Sa gitna ng pandaigdigang tensyon, ang inaasahan ng mamamayan ay katapatan at kahandaan. Ngunit ang ibinibigay ay pagtanggi at pagpapalusot.
Kung patuloy na ipipikit ng pamahalaan ang mata sa katotohanan, lalo lamang nitong itutulak ang mamamayan sa mas malalim na hirap. Hindi propaganda ang kailangan ng bayan. Hindi rin ayuda na may kasamang pangalan ng politiko. Ang kailangan ay konkretong solusyon, malinaw na direksyon, at lideratong may tapang harapin ang krisis.
Panahon na upang tigilan ang panlilinlang. Aminin ang katotohanang may krisis. At kung hindi kikilos ang pamahalaan ngayon, ang mamamayan mismo ang maniningil—hindi lamang sa salita, kundi sa darating na panahon ng pananagutan.






