ARESTADO at itinuturing nang bilanggo o person deprived of liberty si ex-Speaker Martin Romualdez ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Ito’y makaraang kasuhan sa Sandiganbayan si Romualdez ng kapatid ni Sec. Jonvic na si Ombudsman Boying Remulla ng plunder batay sa bilyon-bilyong kontrata nito sa gobyerno.
Paliwanag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, nakatanggap si Romualdez ng nasa P56-P57 bilyong kikbak sa iba’t ibang kikbak sa mga kontrata sa gobyerno, kabilang na ang nasa P7.4B nauugnay sa flood control projects.
Ayon naman mismo kay Omb. Remulla, “Dahil sa sobrang dami ng pera na hindi na kayang itago, kailangan din niyang i-convert. Sobrang daming mansion, sobrang daming shareholdings ang nabili niya para lang hindi niya itago ang pera. Kailangan niya agad na i-convert ang pera niya into actual asset na hindi naman namin nakita sa SALN niya.”
SA pangunguna ng Sandiganbayan sheriff, isinilbi ni Sec. Jonvic ang warrant of arrest kay Romuadez sa San Juan de Dios Hospital sa Quezon City na roon naka-confine ito at isinailalim na rin ito sa normal na police booking, kasama ang pagkuha ng mug shot sa sa kanya.
Ipinanukala na rin niya ang paglilipat kay Romualdez sa Philippine National Police General Hospital na taliwas sa kahilingan ni Romualdez na nagsabing mayroon siyang Type 2 diabetes, hypertension, primary hypothyroidism at iba pang mga sakit.
HINDI PAPAYAG NA TAGA-SALO NG KORAPSYON NG IBA
Makaraang mag-apply si Omb. Boying ng Precautionary Hold Departure Order noong Abril 21, 2026 sa Sandiganbayan laban kay Romualdez na napabalitang gustong lumabas ng bansa para magpatsekap at magpagamot ng kanyang sakit, naghayag si Romualdez ng kanyang saloobin na isinalin natin sa Filipino.
“Hindi ko hahayaang gawin akong scapegoat (panakip-butas) ng iba para lang malinis nila ang sarili bagaman sila ang talagang may pananagutan…Kung isa itong larong pampulitika para itaboy ako at tapusin ang isyu habang sinisira ang aking pangalan at reputasyon, sinasabi ko na sa inyo ngayon, hindi ako aalis nang tahimik at hindi ako aalis nang mag-isa. Hindi ako magiging fall guy (sunod-sunoran) para sa korapsyon ng ibang tao.”
Karugtong ng kanyang pahayag, sinabi ni Romualdez na ang korapsyon ay nangyayari sa mismong implementasyon at pagpapatupad ng mga proyekto, at tiniyak niyang “zero ghost” o walang substandard na proyekto sa kanyang distrito.
Sinabi pa nitong marami siyang nalalaman sa administrasyong Marcos at iba pang administrasyon.
Dito sa mga salitang, ”…hindi ako aalis nang mag-isa” o “I will go alone.”
Pag-intindi ng iba, parang sinasabi umano ni Romualdez na kung babagsak siya, isasama niya rin ang iba…isasama rin niya sa hukay ang iba.
Kung tama sila, sino-sino kaya ang isasama niya sa hukay…sa kanyang pagbagsak?
TESTIMONYA NI BONOAN, LABAN KANINO?
Sa ngayon, magiging state witness na si dating Department of Public Works Secretary Manuel Bonoan at sinasabing maaaring tetestigo siya laban kay Romualdez.
Sinasabi naman ng iba, hihintayin na lang kung ano talaga ang sasabihin nito…kung idiriin nito si Romualdez o hindi.
Paano kung iba ang idiriin nito at hindi si Romualdez dahil sinasabi ng huli na walang ebidensya laban sa kanya lalo’t umatras na ang 4 ex-Marines sa kanilang testimonya laban sa kanya?






