SA gitna ng mga kalamidad sa baha mula sa habagat at mga sunod-sunod na bagyo at low pressure area na nagdudulot ng gutom at kahirapan sa milyones na katao sa buong Pinas, biglang lumitaw ang isang katotohanan na nagsimula nang magmahal ang bigas.
Ayon sa mga bumibili ng tig-isang kabang bigas, mula sa kamakailan lang na P2,200 bawat kaban, naging P2,500-P2,600 na.
Natataranta at nabibigatan tuloy ang mga mamamayan lalo’t inaasahan pang magmamahal ang bigas gaya ng nangyayari tuwing tag-ulan.
Ang katwiran ng mga magtitingi (retail), mga brad, sobrang mahal ang pagbibiyahe ng bigas dahil na rin sa napakamahal na petrolyo na gamit ng mga sasakyan.
Nandiyan pa ang mga katakot-takot na trapik dahil sa mga sira o binabahang kalsada na umuubos ng diesel o gasolina…at walang katapusang pangongotong ng mga traffic enforcer.
Ayon naman sa mga negosyante na nakaaalam ng mga bode-bodegang imbakan ng mga bigas, sobra-sobra ang suplay ng bigas at dapat umanong walang dahilan para magbenta sila ng bigas nang mahal.
Katwiran naman ng mga importer at malakihang buyer din ng mga lokal na bigas na nag-iimbak, mahal ang maintenance o pagpapanatili ng mga bigas na maganda ang kalidad at kinakambalan pa ito ng napakamahal nang kuryente para sa warehousing at pagkikiskis.
Siyempre pa, gusto ng lahat na manatiling apordabol ang bigas dahil ito ang batayang pagkain.
Kahit asin o bagoong lang ang kakambal nito na pampalaman ng kumakalam na sikmura, oks na.
At ang totoo, ginagawa pa ang kaning lamig na meryenda dahil napakamahal na rin ang pandesal at monay.
Bukod sa nakagagalit na pagmahal ng bigas, nakagagalit din umano ang paghahanap ng P20 kada kilong bigas ng gobyerno na panlaban sana sa napakamahal nang bigas.
Kailangan pa umanong mamasahe nang mahal sa traysikel sa napakahirap na paghahanap ng tindahan o Kadiwa Store na nagtitinda ng P20 na bigas.






