NALULUNOD ang taumbayan sa mga usaping kasing bigat ng flood control at paggamit ng pera ng bayan.
Isa sa halimbawa rito ang nagaganap sa pagitan nina Senador Alan Peter Cayetano at Panfilo Lacson ukol sa paratang ng huli na may mga anomalya sa flood control at pondong bayan na nauugnay sa una sa Taguig City.
Halos araw-araw na may balita ukol dito mula sa magkabilang kampo hanggang sa tila lunod at lito na ang publiko sa mga balita.
Naunang sinasabi ni Lacson na marami itong natuklasang anomalya at galing ang mga rekord sa taga-Department of Publice Works and Highways at nasa Office of the Ombudsman (OMB) na lahat para maimbistigahan.
Laging namang pinabubulaanan ni Cayetano ang mga paratang.
Nitong nakaraang pagdinig sa Senado sa panukalang badyet ng DPWH, nagulantang lahat sa pahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon na walang ghost project sa Taguig City.
Sinabi rin ni Dizon na ilang beses na niyang nakita ang lakeshore development at inilarawan ito bilang modelo dahil may “most developed” lakeshore management sa lugar.
Dagdag ni DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III, may 107 proyekto sa lungsod ang na-verify ng ahensya at may accomplishment lahat.
Napakahalagang may ibang awtoridad nang lumahok sa usapan upang maklaro ang nakawiwindang na akusasyon ni Lacson.
Ang malinaw, hindi magsasalita sina Dizon at Bernabe nang walang mga batayan na taliwas sa pinalalabas ni Lacson.
May proyekto, may pinakikinabangan ng mga mamamayan at may kinalalagyang tama ang mga pondo ng bayan.
At pinakamahalaga, masasabing gumagana ang pamahalaan sa Taguig City sa paglilingkod sa bayan at hindi gaanong binabaha ang lugar kumpara sa ilang ibang lungsod sa Metro Manila dahil umano sa mga anti-flood projects at lakeshore development.
Sa kabilang banda, hayaang ituloy ng OMB ang proseso o imbestigasyon nito at maghintay tayo kung meron talagang anomalya at kung ganoon dapat may managot.






