ITONG sinasabi ng Palasyo na normal pa ang presyo ng mga pagkain at hindi pa nagtataas ay isa nang kasinungalingan.
‘Yung mga de-lata at processed food gaya ng sardinas at hotdog na nasa mga mall at malalaking grocery maaaring hindi pa.
Ngunit pagdating ng mga ito sa mga sari-sari store, nagmahal na lahat dahil binabawi ng mga ito ang mahal na gastos sa traysikel at jeep na kumokonsumo ng mahal na diesel at gasolina na pinagsasakyan nila ng mga paninda.
Ang mga fresh na pagkain gaya ng mga karne at isda, may patong nang nasa P20-P50 kada kilo at maging ang mga gulay, ganito rin ang nagaganap.
Ang masaklap din sa parte ng mga tindera sa mga palengke, napakatumal na ang kanilang paninda at hindi naman nagbabago ang mga upa sa mga pwesto, nagmamahal ang tubig at sa susunod na buwan, taas-kuryente na rin ang magaganap.
Umaangal at umiiyak na lahat sa presyo ng mga bilihin at maging ang serbisyo sa iskul na traysikel at school bus, nagmahal na rin ng mga singilin dahil pa rin sa napakamahal o nagdobleng presyo ng mga diesel at gasolina.
Maging ang mga karinderya, nagtaas na rin ng presyo ng P10 piso kada balot at lumiit pa ang laman dahil tumaas na rin ng nasa P200-P400 ang bawat tangke ng liquified petroleum gas at P100 ang bawat litro ng kerosene na mga gamit sa panluto.
Ang napakasakit, hindi lahat naaabutan ng ayuda kahit lahat na ay biktima ng sobrang mahal na petrolyo.
Nasaan na ang State of Energy Emergency o sana State of National Emergency?
Itong mga ungas na mambabatas at taga-Palasyo, hindi man lang sila maringgan na bawasan ang kanilang mga insertion at kikbak at ibuhos sa mga tao at mas inaatupag pa ang impeachment at agawan sa kapangyarihan






