Home HOME BANNER STORY Giyera sa Iran tatagal ng ilang linggo, ‘di buwan – Rubio

Giyera sa Iran tatagal ng ilang linggo, ‘di buwan – Rubio

205
0

MANILA, Philippines — Inaasahan ng Estados Unidos na matatapos ang kanilang operasyon militar laban sa Iran sa loob lamang ng ilang linggo at hindi buwan, ayon kay US Secretary of State Marco Rubio.

Sa pulong ng G7 foreign ministers sa France, sinabi ni Rubio na nasa tamang iskedyul ang operasyon ng US.

“We are on or ahead of schedule… a matter of weeks, not months,” ani Rubio.

Iginiit din niya na makakamit ng Washington ang mga layunin nito kahit walang ground troops, bagaman may ipinapadalang dagdag na puwersa sa rehiyon bilang paghahanda sa anumang posibleng sitwasyon.

Sa kasalukuyan, nagpadala ang US ng libu-libong Marines at elite airborne soldiers sa Middle East, na nagdulot ng pangamba na maaaring lumawak ang digmaan.

Samantala, patuloy ang tensyon sa Strait of Hormuz, isang kritikal na ruta ng pandaigdigang suplay ng langis. Binalaan ni Rubio na dapat tumulong ang ibang bansa sa Europa at Asya upang matiyak ang malayang pagdaan dito.

Patuloy ring isinusulong ni US President Donald Trump ang diplomatikong solusyon, kabilang ang isang panukalang kasunduan na may mahigpit na kondisyon tulad ng pagpapatigil ng uranium enrichment ng Iran.

Gayunman, nananatiling maigting ang labanan, kung saan kapwa panig ay patuloy na nagsasagawa ng mga pag-atake sa mga pasilidad militar at imprastraktura.

Ayon sa ulat, mahigit 1,900 katao na ang nasawi sa Iran at libo-libo ang sugatan, habang patuloy ding naaapektuhan ang ibang bansa sa rehiyon.

Dahil sa sigalot, sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na umabot na sa higit $112 kada bariles, na nagdudulot ng pangamba sa inflation at ekonomiya sa iba’t ibang bansa.

Sa kabila nito, nananatiling kumpiyansa ang US na matatapos ang operasyon sa loob ng itinakdang panahon, kahit patuloy ang banta ng paglala ng digmaan sa Middle East. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here