MANILA, Philippines – BUKAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suportahan ang panukalang “Bayanihan 3” measure, subalit binigyang diin ang pangangailangan na rebisahin ang detalye nito habang prayoridad ng gobyerno ang agarang interbensyon para tugunan ang tumataas na presyo ng langis.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na hinihintay ng administrasyon ang pormal na bersyon ng panukalang batas mula Kongreso.
“Kailangan po din makita natin kung ano po iyong pinakadetalye ng bill at lahat po ng maaaring makatulong sa ating mga kababayan iyan naman po ay tutugunan at sasang-ayunan ng ating Pangulo,” ayon kay Castro.
Nauna rito, pinalutang ng ilang mambabatas ang Bayanihan 3 bill, ginaya matapos ang pandemic-era measures, para tugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at global energy volatility at gawing institusyonal ang government response.
Winika pa ni Castro na nagpapatuloy ang pag-uusap ukol sa panukalang batas, subalit binigyang diin ang pangangailangan para sa malinaw na panukala para payagan ang executive branch na pag-aralan ang potensiyal an epekto at funding requirements.
“Mas maganda po kung mas mapapabilis nila para po mapag-aralang maaga, para po ma-implement sa pinakamabilis na pagkakataon,” aniya pa rin.
Sa ngayon ay wala pa aniyang update kung ang panukalang batas ay pormal na isinumite o tinalakay na ng mga economic manager.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakatutok ang gobyerno sa ‘immediate concerns’ sa ilalim ng energy emergency, kabilang na ang pagtiyak sa fuel supply, managing petroleum prices, at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong sektor gaya ng transport workers at magsasaka. KRIS JOSE