MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang pagbibigay ng ayuda mula sa pamahalaan hindi lamang sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan kundi maging sa lahat ng minimum wage earner sa bansa sa gitna ng lumalalang global oil crisis.
Sa pagdinig hinggil sa panukalang amendments sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, livelihood programs, at umiiral na pondo bilang tugon sa krisis sanhi ng Middle East conflict, nais ilahok ni Tulfo ang minimum wage earners sa pagbibigay ng ayuda.
“We have to look at everybody, not just the poorest of the poor. What about the backbone of our labor force, those earning minimum wage or even below?” aniya sa public hearing ng Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development nitong Martes, April 7, 2026.
Sinabi ni Tulfo na maaaring hindi magtuloy-tuloy ang ayuda, ngunit nagbabala itong hindi dapat nakatutok lamang sa ilang sektor tulad ng transport, agrikultura, at 4Ps beneficiaries, habang nakakalimutan ang mga kahera, janitor, at security guards.
“4Ps should not only provide immediate relief but also serve as a bridge to long-term development, while livelihood programs must equip beneficiaries to become self-reliant,” aniya.
Aniya, dapat magkasamang kumikilos ang mga programa upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta at makalikha ng oportunidad sa pamilyang Filipino na makamit ang pangmatagalang katatagan.
Sa kabilang dako, hinikayat naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang kabataang Pilipino na ituring ang sunod-sunod na krisis na pinagdaanan ng kanilang henerasyon bilang bahagi ng paghahanda sa pamumuno.
Sinabi ito ni Cayetano sa harap ng daan-daang estudyanteng nagsipagtapos at naglipat-antas, kasama ang kanilang mga magulang, sa Taguig City noong March 31, 2026.
Aniya, ang isang tunay na pinuno ay hindi pinagsisilbihan kundi “pinupunuan” ang mga pagkukulang na naranasan niya mismo noon.
“Sabi kasi ng iba, kapag ikaw ay leader o boss, ikaw ang parating pinagsisilbihan. ‘Pag may pagkukulang, may uutusan ka,” aniya. “Pero sa salitang Pilipino, maganda eh – ‘pamumuno.’ Kapag may kulang, pinupunuan. ‘Yan ang role ng isang leader.”
Paghihikayat niya sa kabataan, maging matatag sa kabila ng mga personal at pambansang krisis, mula sa COVID-19 pandemic, flood control scandal, hanggang sa nangyayaring gyera sa Iran, dahil ito ang huhubog sa kanila bilang mahuhusay na pinuno ng kani-kanilang komunidad.
Ipinaalala niya na bawat isa ay “meant to be a leader,” ayon sa Book of Genesis sa Bibliya kung saan ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ang lahat ng nasa mundo.
“Kung leader ka, anong ginagawa ng iba? Follow. So ‘pag nakaisip ka ng masama [tulad ng] mag-quit, mag-drop out, o mag-suicide [kasi ang] hirap ng buhay,’ please remember, you’re a leader,” aniya.
“God loves you. So whenever you have doubt, remind yourself na you are being trained at maraming nagmamahal sa inyo,” dugtong niya.
Ang mga graduation at moving-up ceremony ngayong taon ay may temang “Pilipinong Nagtatapos, Handang Mamuno nang may Kakayahan at Mabuting Pagkatao.”
Hinimok din ni Cayetano ang mga estudyante na kilalanin ang sakripisyo ng kanilang mga magulang.
“Today, ang pinakamaganda ninyong ‘thank you’ ay gumraduate kayo,” aniya. Ernie Reyes