MANILA, Philippines – Tinatayang nasa 80,000 pamilya sa Maynila ang makikinabang sa inilunsad na “Biyayang Bigas sa Maynila” program, bilang tugon ng lokal na pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa pamahalaang lungsod, sisimulan ang programa sa Abril 16 at inaasahang tatagal ng anim na buwan upang makapagbigay ng tuloy-tuloy na suporta sa mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng programa, bawat kwalipikadong pamilya ay makatatanggap ng 10 kilo ng bigas, na layong makatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng mga residente.
Inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi lamang sektor ng transportasyon ang bibigyang tulong, kundi pati iba pang sektor na lubhang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
“Mas pinalawak natin ang saklaw ng programa upang mas maraming Manileño ang matulungan,” ayon kay Yorme Isko.
Isinasagawa ang programa sa tulong ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), kung saan kabilang ang Maynila sa mga lungsod na pinagkalooban ng pondo.
Aabot sa ₱286 milyon ang inilaan para sa implementasyon ng programa, na inaasahang makatutulong hindi lamang sa mga benepisyaryo kundi maging sa mga lokal na magsasaka na pinagmumulan ng suplay ng bigas.
Sa kabuuan, layunin ng “Biyayang Bigas” na maibsan ang epekto ng kasalukuyang krisis sa kabuhayan ng mga Manileño, kasabay ng pagsuporta sa sektor ng agrikultura. JAY Reyes