BATANGAS, Philippines – Nagkaroon ng isang minor phreatomagmatic eruption ang Taal Volcano sa Batangas nitong Huwebes ng umaga, Abril 9, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa bulletin ng PHIVOLCS, nangyari ang aktibidad sa main crater bandang 10:20 a.m. at tumagal ng humigit-kumulang dalawang minuto.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang phreatomagmatic eruption ay nangyayari kapag ang tubig sa ilalim o ibabaw ng lupa ay pinainit ng magma o maiinit na bato, na nagreresulta sa pagsabog ng singaw.
Ayon sa ulat, ang tinatawag na “pusngat” ay nagbunga ng plume na umabot sa humigit-kumulang 300 metro.
Nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng isang volcanic earthquake sa loob ng nakalipas na 24 oras at mahinang steam emissions na umaabot hanggang 500 metro na tinatangay patungong timog-kanluran.
Noong Abril 6, naitala rin ang isang steam-driven burst na tumagal ng dalawang minuto at naglabas ng plume na umabot sa 200 metro.
Ayon pa sa datos, bumaba ang sulfur dioxide emissions sa 858 metric tons noong Abril 9, kumpara sa mas mataas na antas sa mga nakaraang araw.
Wala ring naitalang volcanic smog o “vog” at walang pagtaas ng mainit na volcanic fluids sa crater lake.
Nanatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, na nangangahulugang may low-level unrest, ngunit posible pa rin ang biglaang steam-driven eruptions, ashfall, lindol, at hazardous gas emissions. RNT/MND