MANILA, Philippines – Walang napaulat na nasaktang Filipino sa Lebanon sa kabila ng matinding airstrikes ng Israel sa Beirut na ikinamatay ng tinatayang 300 katao, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes ng gabi.
Batay sa pinakahuling impormasyon mula sa Lebanese Ministry of Health, sinabi ng DFA na umabot din sa 1,200 ang nasugatan sa naturang pag-atake at wala ring napaulat na dayuhan sa hanay ng mga nasawi.
“The Embassy has activated its community monitoring mechanisms through Filipino community leaders and Area Coordinators, who have reported that their respective areas remain safe at this time,” ayon sa DFA.
“While many Filipinos are understandably shaken by the developments, no Filipino casualties or injuries have been reported so far. The Embassy continues to request regular updates from community representatives,” dagdag pa nito.
Nauna nang naglabas ang Philippine Embassy in Lebanon ng “high alert” security advisory na nananawagan sa mga Filipino na manatiling mapagmatyag, manatili sa kanilang tinutuluyang lugar kasama ang kanilang employers, limitahan ang paggalaw, at umiwas sa matataong lugar.
Pinayuhan din ang mga Filipino na maghanda ng hindi bababa sa tatlong araw na suplay ng pangunahing pangangailangan at tiyaking madaling makuha ang kanilang mga pasaporte at iba pang mahahalagang dokumento habang patuloy na nagbabago ang sitwasyon.
Mariin ding hinikayat sa advisory ang mga Filipino na samantalahin ang voluntary repatriation program ng pamahalaan habang nananatili itong available.
Mula Pebrero 28, napauwi na ng Embahada ang 56 na Filipino sa ilalim ng Crisis Alert Level 3, na siyang pinakamataas na alert level na kasalukuyang umiiral sa mga post ng Pilipinas sa Middle East maliban sa Baghdad.
Ayon sa DFA, nananatiling pangunahing hamon para sa mga nais umalis sa Lebanon ang limitadong availability ng flights at mataas na presyo ng tickets, bagamat nagpapatuloy ang government-funded repatriation. Dave Baluyot