MANILA, Philippines – Maikli lamang ang naging tugon ni Vice President Sara Duterte nang tanungin nitong Huwebes ukol sa mga usap-usapan hinggil sa kalusugan ng dati niyang kaalyado na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at sinabi lamang na, “Good luck sa kanya,” sa isang panayam sa Davao City. Wala na siyang ibinigay pang dagdag na pahayag.
Ang pahayag ng Bise Presidente ay dumating isang araw matapos personal na pasubalian ni Marcos ang mga espekulasyon tungkol sa kanyang kalusugan, at sabihing wala namang problema at nakabalik na siya sa kanyang regular na routine ilang buwan matapos ang kanyang diverticulitis diagnosis.
Nag-ugat ang mga haka-haka sa social media, kung saan may mga nag-aangking luma umano ang mga larawan at video ng Pangulo na inilalabas sa official pages ng Malacañang.
Magka-running mate sina Marcos at Duterte sa ilalim ng “UniTeam” alliance noong 2022 elections, ngunit kalaunan ay nabasag ang kanilang political alliance.
Nagsimulang lumamig ang kanilang ugnayan matapos magbitiw si Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) noong Hunyo 2024 dahil umano sa pinagsamang personal at professional reasons.
Mula noon, hindi na nagkita ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa sa anumang official o unofficial engagement, ayon sa ulat. Santi Celario