Home HOME BANNER STORY Walang taas-presyo sa gamot, sa ngayon – DOH

Walang taas-presyo sa gamot, sa ngayon – DOH

127
0

MANILA, Philippines – Walang pagtaas sa presyo ng mga gamot sa bansa, sa ngayon, sa kabila ng mga epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan, ayon sa Department of Health (DOH) at Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP).

Sa panayam, sinabi ni DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo na walang mararamdamang pagtaas sa presyo ng gamot hanggang Hunyo 2026.

Ayon kay Domingo, ang karagdagang gastos ay pangunahing maaaring manggaling sa problema sa logistics at transportation.

“Hindi lang ang gamot, lahat naman ‘yan eh pati mga gulay, pati mga ibang mga bagay ay naaapektuhan dahil sa sigalot sa Gitnang Silangan. Tuloy pa rin po ang mga presyo, walang tumataas,” aniya.

Sinabi rin niya na handa ang pamahalaan na sagutin ang sobrang gastos sa gamot at medical supplies sakaling magkaroon ng price increase pagsapit ng Hulyo, at binanggit ang PhilHealth bilang financing arm na maaaring magtaas ng benepisyo kung kinakailangan.

“Sa mundo ng kalusugan, meron tayong financing arm, ‘yan po ang Philhealth. Ang Philhealth ay maaaring magtaas ng benepisyo basta po sigurado at nag-ongoing na ‘yung ating mga usapan sa ating mga industriya na tama ‘yung deklarasyon na ito ba talaga ‘yung nakasulat sa libro nila na pasweldo, pakuryente, pagasolina,” ani Domingo.

“Basta ang importante po sa amin is ‘yung sinasabi namin dati na unbundling or breakdown nung mga costs para makita natin ‘yung mga libro kung ano ba dito talaga ‘yung dahilan nung pagtaas nung presyo,” ayon pa sa opisyal.

Samantala, sinabi ng PHAP na nagkaroon ng ilang delay sa delivery ng gamot dahil sa rerouting na isinagawa bunsod ng sigalot, ngunit hindi ito nakaapekto sa mga pasyente, drugstore, at ospital dahil may sapat na buffer stocks at naagapan agad ang sitwasyon.

Ayon kay PHAP president Dr. Diana Edralin, nananatiling stable ang presyo ng mga gamot sa ngayon dahil sinasalo muna ng mga kumpanya ang 25% hanggang 30% ng pagtaas sa distribution cost. “Ito po ‘yung aming ambag para hindi maramdaman ng mga pasyente,” aniya pa. “Pero siyempre, hanggang kailan?”

Aniya, pinag-aaralan na ngayon ng PHAP ang mas sustainable na alternatibo upang hindi maranasan ng mga pasyente ang pagtaas ng presyo sa hinaharap. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here