Home NATIONWIDE Nagsusugal sa lamay, hinuli sa ‘Safer Manila’ ops

Nagsusugal sa lamay, hinuli sa ‘Safer Manila’ ops

109
0

MANILA, Philippines – Huli sa akto ang ilang kalalakihan habang umano’y nagsusugal sa isang lamay sa Sampaloc, Maynila, sa operasyon ng pulisya na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng mahigit 50 violators sa paligid ng University Belt.

Ayon sa mga awtoridad, ilan sa mga nahuli sa lamay ay kamag-anak pa mismo ng namatay, ngunit inaresto pa rin sila. Giit naman ng isa sa mga nahuli, hindi nila alam na bawal ang pagsusugal sa lamay.

“Unang una, dumaan po yung barangay, dapat sinabihan nila kami na bawal. Kung alam namin bawal pala kahit may patay, hindi na kami nag-ano kasi ang lakas naman ng loob namin kung magsusugal kami sa labas ng kalsada,” sabi ng isa sa nahuli.

Batay sa datos, mahigit 50 katao ang nahuli ng Barbosa Police Station sa paligid ng University Belt, at karamihan sa kanila ay nasita dahil sa pag-inom sa pampublikong lugar.

“Napakahalaga po ng ganitong operasyon lalong lalo na dito sa U-belt kasi dito ang sentro ng universities, mga student kung saan naglalakad lakad lang at hindi sila kinakabahan na baka meron na naman makursunadahan, o di kaya maholdap, mapagsamantalahan,” sabi ni Police Lt. Col. Jolly Soriano, Station Commander ng MPD-14.

Marami ring kabataan ang nahuli dahil sa paglabag sa curfew at itinurn over sa barangay, kung saan sila sinundo ng kanilang mga magulang.

Ayon sa Manila Police District, magtutuloy-tuloy ang ganitong operasyon sa iba’t ibang bahagi ng Maynila. Nitong nakaraang Martes, mahigit 1,000 violators ang nahuli sa lungsod, at pinakamarami rito ang mga nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here