Home NATIONWIDE Mga magsasaka sa Laoag at Benguet, lugmok sa taas-krudo at bagsak-presyo ng...

Mga magsasaka sa Laoag at Benguet, lugmok sa taas-krudo at bagsak-presyo ng ani

128
0

MANILA, Philippines – Nahaharap ngayon sa matinding pagkalugi ang mga magsasaka sa Laoag City at Benguet dahil sa tumataas na presyo ng krudo, mababang buying price, at problema sa transportasyon, dahilan para mabulok na lamang ang kanilang mga ani sa bukid at bodega.

Sa Laoag City, napilitang itapon ng mga magsasaka ang hanggang 10 toneladang nabubulok na mangga dahil hindi na niya maihatid ang mga ito sa mga buyer.

Mula sa dating P20,000 na gastos sa gasolina kada truck, umaabot na ito ngayon sa P50,000, kaya mula sa tatlong truck kada araw ay isa na lamang ang kaya niyang ipadala.

Sa Benguet, kapareho rin ang dinaranas ng mga magsasaka sa Atok, kung saan may ilan nang tumigil sa pag-aani dahil lugi na sila sa baba ng presyo at taas ng gastos.

Ayon sa ulat, si Elmo Chuga ng Paoay, Atok ay hindi na muna inaani ang kanyang repolyo dahil nang mga huling linggo ng Marso, P4 hanggang P8 kada kilo na lamang ang bentahan sa La Trinidad trading post.

Isa pa sa mabigat na suliranin sa Benguet ang kakulangan ng diesel. Ayon sa ulat, simula pa Marso 21 ay wala nang diesel at gasolina sa dalawang gasolinahan sa bayan, kaya napipilitan ang mga magsasaka na kumuha pa ng suplay mula sa La Trinidad o Baguio City, kung saan limitado rin ang mabibiling krudo at may dagdag-patong pa umano sa presyo.

Ayon kay fourth-generation farmer PJ Haight, hindi niya maani ang tinatayang 5,000 kilo ng pechay dahil sa sabay-sabay na gastos sa labor, trucking, diesel, at processing fee. “Sais-kwatro [per kilo], eh parang namigay ka na lang,” aniya. “Nabubulok na talaga kasi hindi mo naman ma-consume ‘yan, ang dami.”

Batay sa mas malawak na mga ulat, tumitindi ang krisis ng mga magsasaka dahil hindi lang presyo ng krudo ang problema kundi pati paghina ng demand at pag-urong ng mga buyer, na lalo pang nagpapabagsak sa farmgate prices.

Dahil dito, maraming magsasaka ang napipilitang huwag nang mag-ani dahil mas lalaki pa ang lugi kapag isinama ang gastos sa paggawa, transportasyon, at packing. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here