Home TOP STORIES Ex-Gov. Singson, iba pang Ilocos Sur officials, inireklamo sa Ombudsman ukol sa...

Ex-Gov. Singson, iba pang Ilocos Sur officials, inireklamo sa Ombudsman ukol sa tobacco excise tax

154
0
Mga magsasaka ng Ilocos Sur na nagsagawa ng kilos protesta sa munisipyo.

Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Atty. Estelita D. Cordero, pangulo ng Warriors Ti Ilocos Sur, Inc., laban kay dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson at iba pang dati at kasalukuyang opisyal ng lalawigan kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo mula sa tobacco excise tax.

Batay sa reklamong inihain, kabilang sa mga respondent sina dating Governor Ryan Singson, kasalukuyang Ilocos Sur Governor Jeremias Singson, at ilang dati at kasalukuyang opisyal ng lalawigan na sina Pablito Sanidad Jr., Joselle Gironella, Gina Cordero, Mildred Elaydo, Benjamin Maggay, Leopoldo Gironella Jr., Mikaela Karita Singson-Bautista, Constante Oandasan, Ronnie Rapanut, Efren Rafanan Sr., Francisco Arturo Ranches III, at Art Constantine Oandasan, na iniuugnay sa Sangguniang Panlalawigan ng Ilocos Sur.

Ayon sa reklamo, inakusahan ang mga respondent ng umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act No. 8240 kaugnay ng paggamit ng kita mula sa tobacco excise tax ng lalawigan.

Nakasaad sa reklamo na nag-ugat ang usapin sa umano’y paggamit ng humigit-kumulang P585 milyon mula sa tobacco excise tax para sa pagpapatayo ng “Tobacco Farmers Convention Center,” isang proyektong sinasabing sinimulan noong 2008.

Ayon pa sa complainant, makalipas umano ang sampung taon ay wala pa umanong 10 porsiyento ang nakakumpleto sa proyekto at kalaunan ay inabandona rin ito, bagay na iginiit niyang nagresulta sa pag-aaksaya ng pampublikong pondo.

Samantala, sa hiwalay na reklamo, inireklamo rin si dating Gov. Singson kasama ang dati at kasalukuyang Municipal Administrator ng Narvacan, Ilocos Sur dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019.

Sinabi rin sa reklamo na layunin ng complainant na papanagutin ang mga respondent kaugnay ng umano’y paglabag sa batas at sa sinasabing maling paggamit ng pondo ng bayan.

Sa ngayon, ang mga alegasyon ay nakabatay sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman, at hinihintay pa ang magiging tugon ng mga respondent at ang kaukulang aksyon ng naturang tanggapan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here