MALAKING palaisipan ang sunod-sunod na pagbibitiw sa kanilang tungkulin ng ilang matataas na opisyal sa Bureau of Customs sa ilalim ni Commissioner Ariel Nepomuceno na nagdudulot hindi lamang nang pag-aalala sa publiko kundi pagtataas din ng seryosong tanong kung sapat ba ang katatagan at kakayahan ng pamunuan upang pangasiwaan ang mga hamon sa kalakalan at koleksyon ng buwis.
Ayon sa isang maaasahang source, kamakailan lamang ay nagbitiw siya sa pwesto, bilang pangalawa ngayong taon na nagkusang umalis bilang kabahagi sa pamumuno ng BOC, kasunod ni dating Deputy Commissioner for Internal Administration Michael Cristobal Fermin, na nagbitiw dahil sa “personal at security reasons.”
Ang sunod-sunod na pag-alis ng mga matataas na opisyal ay nagbubunsod ng malalim na pag-aalinlangan kung kaya nga ba ng pamunuan ang panatilihin ang katatagan at epektibong pamamahala ng ahensya.
Isang malaking palaisipan kung ano ba talaga ang tunay na dahilan ng pagbibitiw ng bagong opisyal ng BOC? Umiikot ang usap-usapan na ang kanyang pag-alis ay dulot ng talamak na iligal na smuggling, na diumano’y kinasasangkutan ng ilang matataas na opisyal sa loob mismo ng ahensya, na nagdudulot ng seryosong pag-aalinlangan sa integridad ng pamunuan.
Sa matalim na obserbasyon ng mga beteranong bihasa sa Aduana, tila wala nang sinoman ang makaliligtas sa buong kabuuan ng sitwasyon—hanggang sa ngayon, misteryo pa rin kung ano ang tunay na puno’t dulo ng mga pangyayaring ito.
Maraming espiya ang pinagmumulan ng impormasyon tungkol sa kalakaran sa Customs, na kahit ang mga janitor, messenger, at security escort ng mga opisyal ay tila pangunahing tsismoso ng ahensya.
Kaya’t gaya ng sinabi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., “There is no bribe taker if there is no bribe giver from the private sector.” Ang sinabi ng matandang Marcos ay isang matinding paalala na ang katiwalian ay hindi lamang nakaugat sa mga opisyal kundi sa pakikilahok din ng pribadong sektor.
Anibersaryo ng BOC noong dekada 70 nang bigkasin ng kinilalang “strongman” ang mga kataga at paalala na sa katiwalian, na parehong mga opisyal ng pamahalaan at pribadong sektor ang may pananagutan.






