Home NATIONWIDE Imee kay Madriaga: Sinungaling ka

Imee kay Madriaga: Sinungaling ka

111
0

MANILA, Philippines — Itinanggi ni Senador Imee Marcos noong Miyerkules ang alegasyon ng umano’y “term-sharing” deal sa pagitan ni Vice President Sara Duterte at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at tinawag na “sinungaling” si Ramil Madriaga kaugnay ng naturang pahayag na naungkat sa pagdinig ng Kamara sa impeachment case. Hinimok din niya ang Pangulo na ituwid sa publiko ang aniya’y maling paratang.

“Sinungaling ka, Madriaga,” pahayag ng senador sa isang press conference noong Miyerkules. Hinamon din niya ang kanyang kapatid na magsalita hinggil sa isyu at sinabing, “Kung hindi mo ito ipinag-uutos, walang dahilan para hindi mo itama ang kasinungalingan na ito. Huwag mong kunsintihin ang mga politikong ginagamit ang sinungaling na si Madriaga.”

 

Iginiit ni Marcos na “no such thing” ang sinasabing term-sharing arrangement, habang inalala niya ang kanilang mga pag-uusap noong 2021 at sinabing ang kanilang kampo pa umano ang nagtulak kay Duterte na tumakbo bilang pangulo sa halip na bise presidente.

“Pinipilit nga namin na si Sara ang maging presidente… bakit siya makikishare pa?” aniya. Itinanggi rin niya na may kinalaman si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y kasunduan at sinabing, “Walang kinalaman si PRRD… kasinungalingan ‘yan.”

Dumating ang pahayag ng senador isang araw matapos iharap si Madriaga sa pagdinig ng Kamara noong Martes kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte, habang kinukuwestiyon niya ang kredibilidad nito at sinabing hindi siya mananahimik sa aniya’y mga kasinungalingan. “Hindi ako papayag na gamitin ang dignidad ng kahit anong sangay ng gobyerno para sa kasinungalingan,” aniya.

“Hindi ako tatahimik… hindi ko hahayaang mailibing ang ating bayan sa kasinungalingan.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here