TEHRAN – Lihim umanong nakakuha ang Iran ng Chinese spy satellite noong huling bahagi ng 2024 na nagbigay rito ng kakayahang subaybayan ang mga base militar ng Estados Unidos sa Middle East sa panahon ng kamakailang digmaan, ayon sa ulat ng Financial Times nitong Miyerkules na nakabatay sa mga tumagas na dokumentong militar ng Iran.
Ayon sa ulat, ang TEE-01B satellite ay ginawa at inilunsad ng Chinese company na Earth Eye Co. Kalaunan ay nakuha ito ng Aerospace Force ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran matapos itong maipadala sa kalawakan mula sa China.
Iniulat ng Financial Times na inatasan ng mga Iranian military commander ang satellite na bantayan ang malalaking pasilidad militar ng US, batay sa time-stamped coordinate lists, satellite imagery, at orbital analysis. Sinabi rin sa ulat na ang mga larawan ay kuha noong Marso bago at matapos ang drone at missile strikes sa mga naturang lokasyon.
Bilang bahagi ng kasunduan, nakakuha rin umano ang IRGC ng access sa commercial ground stations na pinatatakbo ng Emposat, isang Beijing-based provider ng satellite control at data services na may network sa Asia, Latin America, at iba pang rehiyon.
Gayunman, sinabi ng Reuters na hindi nito independently na napatunayan ang naturang ulat.
Hindi agad tumugon sa mga kahilingan ng Reuters para sa komento ang White House, CIA, Pentagon, foreign affairs ministry ng China, defense ministry ng China, at Chinese embassy sa Washington. Wala ring agarang tugon mula sa Earth Eye Co at Emposat.
Ayon pa sa Financial Times, hindi nagkomento ang White House sa sinasabing ugnayan ng Emposat at IRGC, ngunit itinuro ng isang tagapagsalita ang pahayag ni US President Donald Trump noong weekend na nagsabing haharap ang China sa “big problems” kung magbibigay ito ng air defense systems sa Iran.
Nang hingan ng pahayag ukol sa usapin, sinabi ng Chinese Embassy sa Washington sa Financial Times: “we firmly oppose relevant parties spreading speculative and insinuative disinformation against China.”
Iniulat din na nakakuha ang satellite ng mga larawan ng Prince Sultan Air Base sa Saudi Arabia noong Marso 13, 14, at 15. Noong Marso 14, kinumpirma ni Trump na tinamaan ang mga eroplano ng US sa naturang base.
Bukod dito, minanmanan din umano ng satellite ang Muwaffaq Salti Air Base sa Jordan, gayundin ang mga lugar malapit sa US Fifth Fleet naval base sa Manama, Bahrain, at Erbil airport sa Iraq, kasabay ng mga pag-atakeng inangkin ng IRGC sa mga pasilidad sa mga lugar na iyon. RNT