MANILA, Philippines — Maaaring sapat na upang magtatag ng probable cause sa posibleng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang mga findings ng Commission on Audit (COA) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, ayon sa tatlong mambabatas.
Sa pagdinig noong Martes ng 40-member House Committee on Justice, ibinunyag ng COA na pinagtibay nito ang Notice of Disallowance sa P73 milyon na confidential expenses ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022. Inihayag din ng state auditor na naglabas ito ng hiwalay na Notice of Disallowance para sa P375 milyon na confidential expenses ng OVP para sa tatlong quarter ng 2023.
Ayon kina Batangas Rep. Gerville Luistro, Bicol Saro Rep. Terry Ridon, at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, lalong pinatitibay ng mga development na ito ang alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds. Matagal nang itinatanggi ni Duterte ang mga akusasyon at iginiit na may motibong pulitikal ang mga isyung ibinabato laban sa kanya.
Sinabi ni Ridon na may bigat na ang COA notices sa usapin ng probable cause.
“Mabigat po talaga ‘yung finality ng COA finding, kung saan ang ipinapasoli na po mismo, ang ating pangalawang pangulo ng P73 million sa 2022 confidential funds, dahil po sa maling paggamit,” ani Ridon.
Ayon naman kay Chua sa isang interbyu, kahit hindi muna isama ang testimonya ni Ramil Madriaga — isang kidnapping suspect na nagsabing siya umano ang bagman ni Duterte — sapat nang problema para sa Bise Presidente ang findings ng COA. Sa panig naman ni Luistro, sinabi niyang “there is a possibility that this will be considered by the justice [committee] members to say that there is probable cause already.”
Dagdag ni Ridon, pinatitibay pa ng findings ng NBI hinggil sa “similarities in handwriting characters” sa ilang acknowledgment receipts para sa confidential funds, gayundin ng sertipikasyon ng Philippine Statistics Authority na walang rekord ng “Mary Grace Piattos” at iba pang umano’y recipients, ang alegasyon laban kay Duterte. Binanggit din niya ang testimonya ni Madriaga na nagsabing tumanggap at naghatid umano siya ng mga duffle bag na pinaniniwalaang may lamang cash mula sa confidential funds sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon.
“Now ‘yung burden of proof, na ito sila nag-exist, nasa respondent,” ani Chua, kaugnay ng mga pangalang nakalagay sa mga resibo.
Sinabi ni Luistro na dapat sagutin ni Duterte at ng kanyang kampo ang mga alegasyon at iharap sa House justice committee ang anumang counter-statement o ebidensiya, sa halip na sa social media lamang. Binigyang-diin niyang hindi paglilitis ang isinasagawang proseso kundi isang clarificatory hearing na ang tanging layunin ay tukuyin kung may probable cause.
Sa susunod na pagdinig sa Abril 22, tututukan naman ng komite ang alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte, kabilang ang kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), gayundin ang corporate at tax records mula sa Securities and Exchange Commission at Bureau of Internal Revenue. Inaprubahan din ng panel ang mosyon na i-subpoena ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) at si dating Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay ng umano’y anomalous o suspicious bank transactions. RNT