Nagsagawa ng inspeksyon si Navotas Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga opisyal ng lungsod, sa Navotas Sanitary Landfill Facility upang alamin ang kalagayan sa lugar at magbigay ng suporta sa fire-fighting efforts ng interagency task force. / JOJO RABULAN
MANILA, Philippines – Umabot na hanggang sa Bataan ang usok mula sa sunog sa Navotas landfill batay sa satellite data na inilabas ng Philippine Space Agency (PhilSA).
Sa mapa na inilabas nitong Biyernes, Abril 17, sinabi ng PhilSA na namataan ang mataas na lebel ng nitrogen dioxide, o NO2, sa Navotas City umaga ng Abril 11 at ang elevated concentrations ay umabot hanggang sa Bataan dahil sa direksyon ng hangin.
Matatandaan na sumiklab ang sunog noong Abril 10.
“On the morning of 11 April 2026, high nitrogen dioxide was observed over Navotas City, with elevated levels extending as far as Bataan due to predominantly westward wind from Navotas,” ayon sa PhilSA.
Nauna nang nagbabala ang Department of Health sa banta sa kalusugan ng matinding haze na nararanasan sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Batay naman sa monitoring ng Department of Environment and Natural Resources, mapanganib sa lahat ng residente ang air quality sa Valenzuela City habang hindi ligtas sa sensitibong grupo ang lagay ng hangin sa Caloocan, Malabon, Marikina, Quezon City at ilang bahagi ng Bulacan. RNT/JGC