NAGHAHANDA ng kasong plunder ang Ombudsman laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, ngunit pilit na idinidikit ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pangalan ni Senator Chiz Escudero. Kung plunder ang ibinabato kay Escudero, nasaan ang ebidensya ng yaman?
Sa ilalim ng Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Law, malinaw na para masabing may plunder, kailangang may ill-gotten wealth. Ibig sabihin, may yaman na nakuha, naipon, at hindi maipaliwanag na pinanggalingan. Kung wala nito, wala ring plunder case.
Dapat may aktwal na pagkamal ng yaman at hindi sapat ang paratang. Ayon sa batas, dapat may malinaw na ebidensya ng “actual enrichment.”
Sa lahat ng alegasyong lumabas, wala ni isang matibay, direkta, at tiyak na ebidensya na nagpakikitang personal na nakinabang si Escudero. Walang bank records. Walang ari-ariang biglang sulpot. Walang nag-uugnay na dokumento sa kanya sa anomang iligal na yaman.
Sa katunayan, si Escudero pa ang naglantad ng mga iregularidad ni Romualdez noong ang huli pa ang Speaker. Sina Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon at Senate Blue Ribbon Chairman Ping Lacson mismo ang nagsabi na lumaganap ang ghost projects noong 2023 hanggang 2024. Panahon ito na si Romualdez pa ang Speaker. Sa Senado naman, hindi pa Senate President si Escudero noon dahil si Senator Migz Zubiri pa ang nasa posisyon.
Sa timeline pa lang, malinaw na wala siyang papel sa mga anomalya sa national budget. Sa panahong iyon, tinawag pa ng mga kritiko na ito ang pinaka-corrupt na budget sa kasaysayan, at si Romualdez ang itinuturo bilang pangunahing arkitekto.
May mga ulat din ang media tungkol sa mga kwestyonableng ari-arian ni Romualdez. Lumabas na mayroon siyang mansyon sa Sotogrande, Spain na nagkakahalaga ng P444.5 hanggang P471.8 milyon. Mayroon din siyang property sa Dover, Massachusetts na umaabot sa $2.24 milyon o P130.5 milyon. Bukod pa ito sa mga estate sa Forbes Park at Amanpulo luxury villa. Ibig sabihin, may malinaw na basehan para sa plunder kung gugustuhin lang imbestigahan.
Kung ganoon, bakit pilit na idinadawit si Escudero? Sinusubukan bang palabnawin ang liability ni Romualdez? May inaasahan bang domino effect kung mapawalang-sala si Escudero?
Ano nga ba ang tunay na layunin dito? Hustisya ba o isang komplikadong paraan para mailigtas si Romualdez?






