Home OPINION SINGIL SA SSS, PHILHEALTH, BAYAD-KURYENTE SUSPENDIHIN- SEN. BONG GO

SINGIL SA SSS, PHILHEALTH, BAYAD-KURYENTE SUSPENDIHIN- SEN. BONG GO

107
0

MAGANDANG pag-isipan at pairalin ang panukala ni Senator Bong Go na suspendihin ang mga mandatoryong bayarin sa mga ahensya ng gobyerno at pagbabayad sa tubig at kuryente kapag lalala at magtatagal pa ang kalagayan ng bansa dahil sa krisis sa langis.

Laman ng panukalang Senate Bill 2033 ni Go ang suspensyon mga bayarin sa katulad ng Social Security System, PhilHealth, Pag-IBIG, Government Service Insurance System, gayundin sa tubig at kuryente.

Nanawagan si Go sa kanyang mga kapwa mambabatas na madaliing pag-usapan ang panukalang ito upang mapagaan ang kalagayan ng mga mamamayan na hirap na hirap na sa ibinubunga ng napakamahal nang presyo ng mga produktong petrolyo kahit pa sinasabing hindi pa kinakapos ang bansa sa suplay nito.

Inihalimbawa ni Go ang kanyang panukala sa Bayanihan 1 at 2 noong panahon ng Covid-19 bagaman iba ang kalagayan ngayon.

Laman noon ng Bayanihan 1 at 2, sa ilalim ng Republic Act No. 11469, ang emergency power para sa Pangulo na “i-reallocate, realign at reprogram” ang halagang P275 bilyon ng 2020 pambansang badyet para gamitin laban sa pandemya.

Laman din ng nasabing batas ang paghawak ng Pangulo sa anomang pampubliko o pribadong ahensya o kompanya upang magamit ang mga ito sa pagpapatupad ng layunin na iligtas ang sambayanan sa tiyak na maramihang kamatayan, paghihirap at gutom.

Makaraang ideklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang national state of calamity sa bisa ng Proclamation 929 noong Marso 16, 2020; agad na nakipagtulungan ang Kongreso sa Palasyo para sa pagsasabatas ng RA 11469 noong Marso 23, 2020 at pinairal kaagad makaraang nailathala sa Philippine Gazette.

Napakabilis, napakabisa at napakatatag ang administrasyong Duterte sa pagprotekta sa sambayanan noon at hindi malilimutan ng lahat ng iyon.

Sa palagay ba ninyo, ganito rin ang ginagawa ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos sa gitna ng malawakang paghihirap, gutom at ikinamamatay na rin ng iba sa iba’t ibang anyo?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here