LUMABAS muli ang lumang problema matapos madiskubre ang hindi tugmang listahan ng TNVS (Transport Network Vehicle Service) at motorcycle taxi drivers sa pamimigay ng ayuda. Dahil dito, may panawagan na naman sa Kongreso na imbestigahan ang sektor. Pero aminin na natin—ilang beses na ba itong napag-usapan? Ilang beses na rin bang nangako ang Kongreso na ipapasa na ang batas para sa TNVS at motorcycle-for-hire? Hanggang ngayon, pangako pa rin.
Sa kabila ng kawalan ng malinaw na batas, tuloy ang operasyon ng mga app-based transport sa ilalim ng mga kautusan ng Department of Transportation at mga memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Samantala, ang motorcycle taxis ay nananatiling nasa pilot test—isang “temporary” setup na umabot na ng ilang taon. Kung pilot pa rin ‘yan hanggang ngayon, hindi ba’t malinaw na may problema sa polisiya?
Mas lalong gumulo ang usapin dahil sa probisyon ng Republic Act No. 11659 na nagsasabing ang mga sasakyang konektado sa transport network companies ay hindi itinuturing na public utility vehicles. Pero teka lang kung hindi sila public utility vehicles, bakit patuloy silang nire-regulate ng gobyerno bilang bahagi ng public service? Hindi ba’t malinaw na may kontradiksyon?
Dito pumapasok ang mas malalim na tanong: bakit kailangang i-exempt ang app-based transport sa depinisyon ng public utility?
Ayon sa pagsusuri ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, posibleng dahilan nito ay upang iwasan ang 60-40 nationality requirement na nakasaad sa 1987 Constitution of the Philippines. Kung ganito nga ang intensyon, hindi ba’t mas lalong dapat itong pag-usapan nang malinaw?
Sabi ng LCSP, ang totoo, hindi na dapat pinapahaba pa ang kalituhan. Ang app-based transport ay malinaw na nagseserbisyo sa publiko—nagdadala ng pasahero kapalit ng bayad. Ano pa ba ang tawag doon kundi public transport?
Kaya nga kasama ng LCSP ang transport group sa panawagan na kung seryoso ang Kongreso sa reporma, dapat nitong linawin ang batas at dapat kumilos para tanggalin ang mga butas, ayusin ang depinisyon, at ituring ang app-based transport ayon sa tunay nitong papel.
Sa hindi pagkilos sa pagreporma sa panuntunan, hindi lang drivers ang naaapektuhan—kundi milyon-milyong commuter na umaasa sa serbisyong ito araw-araw.






