Home METRO 2 nominees para sa settler sector sa BARMM election, hiniling sa Comelec

2 nominees para sa settler sector sa BARMM election, hiniling sa Comelec

106
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Independent Election Monitoring Center (IEMC) sa Commission on Elections (Comelec) na payagan ang tig-dalawang nominee para sa bawat organisasyon at partido sa settler communities sector sa darating na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong Setyembre.

Umapela ang IEMC kay Comelec Chairman George Erwin Garcia na muling pag-isipan ang patakaran na naglilimita sa isang nominee lamang kada organisasyon.

Ayon kay IEMC Convenor na si Atty. Benedicto Bacani, ang limitasyon ay maaaring makasama sa representasyon ng mga settler communities, lalo na sa mga island provinces.

Sinabi rin niya na taliwas ito sa layunin ng Bangsamoro Organic Law (BOL) na nagbibigay ng dalawang reserved seats para sa sektor. Iminungkahi niyang payagan ang dalawang nominees upang matiyak ang mas patas at makabuluhang representasyon.

“IEMC respectfully urges the Commission to align its rules with the law and the intent of sectoral representation,” Bacani said.

“Allowing two nominees per organization will promote broader and more inclusive representation of settler communities across the Bangsamoro region,” he added.

Ayon sa IEMC, una nang pinayagan ng Comelec ang dalawang nominees, ngunit kalaunan ay binago ito sa mga sumunod na resolusyon, na nagdulot ng kalituhan at legal na isyu.

Dahil dito, ayon sa IEMC, nawalan ng pagkakataon ang pangalawang nominees na makasama sa opisyal na balota.

Ipinaliwanag ni Bacani na ang Section 9 ng Bangsamoro Electoral Code ay dapat lang ipatupad sa mga sektor na may iisang upuan, at hindi sa settler communities sector na may dalawang nakalaang puwesto.

Dagdag pa niya, kung mananatili ang isang nominee kada organisasyon, maaaring mapunta ang mga kandidato sa mas maraming botanteng mainland provinces at maiwan ang mga komunidad sa isla na kulang sa representasyon.

Ang IEMC ay binubuo ng iba’t ibang organisasyon tulad ng Institute for Autonomy and Governance, National Citizens’ Movement for Free Elections, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, at iba pa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here