Home METRO Elf truck, nahulog sa pantalan ng Masbate

Elf truck, nahulog sa pantalan ng Masbate

102
0

MASBATE, Philippines – Isang elf truck ang nahulog sa pantalan ng Masbate matapos umanong mawalan ng preno habang nagpoposisyon na magdiskarga ng kargada.

Ayon sa paunang ulat, sinabi ng Philippine Ports Authority (PPA) na nakatakda sanang maghatid ng kargada ang nasabing sasakyan patungo sa barkong M/V Angel Heart na bibiyahe papuntang Lagundi, Ticao Island nang maganap ang insidente.

Habang inaayos ang posisyon para sa unloading operations, bigla umanong pumalya ang preno ng truck na naging sanhi ng pagkahulog nito sa dagat.

Agad namang nakatalon ang driver ng truck na nagtamo ng sugat at dinala sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng agarang lunas.

Mabilis na rumesponde ang Port Management Office (PMO) Masbate, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), upang tugunan ang insidente at matiyak ang kaligtasan sa lugar.

Agad ding naglatag ng oil spill boom upang maiwasan ang posibleng pagtagas ng langis sa karagatan.

Nagsagawa rin ng crisis committee meeting ang PMO Masbate kasama ang shipping line at consignee upang planuhin ang retrieval operations, na matagumpay namang naisakatuparan sa tulong ng crane ng NBCDC Construction.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang detalye at sanhi ng insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here