MANILA, Philippines – Patay sa sunog ang anim na miyembro ng isang pamilya sa sunog na tumupok sa dalawang bahay sa residential area sa Urdaneta City, Pangasinan.
Ang sunog ay sumiklab alas-2 ng madaling araw ng Abril 20, sa Zone 2, Barangay Nancayasan.
Ayon sa mga imbestigador, posibleng nagmula ang sunog sa kusina at mabilis na kumalat ang apoy dahilan para ma-trap ang mga biktima sa loob ng bahay.
“’Yun nga hindi agad sila nakapag-evacuate… may reported tayo na anim na namatay doon, na magkakamag-anak,” pahayag ni Senior Fire Officer 3 Nathaniel Aquino, deputy marshal ng Urdaneta City Fire Station.
Kabilang sa mga nasawi ay ang dalawang 11-anyos na babae.
Hindi rin makilala ang isa sa mga biktima dahil sa tindi ng sunog na inabot nito.
Samantala, tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-arian sa sunog.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng insidente. RNT/JGC