MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpasa ng panukalang Waste-to-Energy (WTE) Act kasunod ng isang linggong sunog sa sanitary landfill sa Navotas.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na ipinakikita ng sunog sa ilang landfill ang agarang pangangailangan sa mas sustainable na solusyon sa pamamahala ng basura sa bansa tulad ng waste-to-energy program
“Hindi na tayo maaaring manatiling nakaasa sa mga tambakan ng basura na naglalagay sa panganib sa mga komunidad at sumisira sa kalikasan. Hindi sapat ang kasalukuyang sistema sa pagtugon sa problema sa basura kaya kinakailangan nating pag-aralan ang iba pang teknolohiya gaya ng WTE,” ayon kay Gatchalian.
Ang makapal na usok mula sa malawakang sunog sa pasilidad ng landfill sa Navotas na tumagal nang mahigit isang linggo ay lalo pang nagpalala sa polusyon sa hangin sa lugar, na nagdulot ng hindi ligtas na antas ng kalidad ng hangin.
Patuloy na isinusulong ni Gatchalian, may-akda ng panukalang batas at vice-chair ng Senate Committee on Energy, ang pagpasa ng Waste-to-Energy Act na naglalayong magtatag ng regulatory framework para sa mga pasilidad na magpoproseso ng municipal solid waste upang gawing kapaki-pakinabang na enerhiya gamit ang makakalikasan o environmentally-sound technologies.
Pinahihintulutan din ng panukalang batas ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang WTE technology kung ito ay angkop at naaayon sa kanilang pangangailangan, habang nananatiling pangunahing responsable ang mga LGU sa pamamahala ng basura sa
bansa. Ernie Reyes