Bulacan – Arestado ang apat na indibiduwal na umanoy gumahasa at pumatay sa isang dalagita sa hot pursuit operation ng pulisya sa bayan ng Bustos nitong Abril 21.
Sa ulat, kinilala ang unang naaresto na si alya “Ngola”, 27, habang sumunod ang magkapatid na sina alyas “Carlo”, 31 at alyas “Juan”, 29, kapwa construction worker at ang amang si alyas “Padi”, 40, mga residente ng river side Brgy. Poblacion.
Ayon sa ulat, noong Abril 11, nagpaalam ang 17 anyos na dalagitang biktima na patungo ito sa kanyang nakakatandang kapatid na babae sa Brgy. San Pedro subalit hindi na nakabalik.
Nabatid na halos isang linggo bago natagpuan ang naaagnas na katawan ng dalagitang walang suot na saplot pang-ibaba at may nakataling bra sa kanyang leeg.
Sinasabing tumulong pa ang ama sa paghahanap sa biktima na kalaunay nahimasmasan at itinuro ang bangkay sa isang bakanteng lote na tinabunan ng makapal na talahib.
Dahil dito, agad nagsagawa ng operasyon ang pulisya sa target na si alyas “Ngola” na agad naman nahuli sa Brgy. Poblacion at inginuso ang tatlong kasamahan kabilang ang mismong ama kaya naaresto rin.
Sa imbestigasyon, inamin sa mga pulis ni alyas “Ngola” na silang apat ay nagkasundong gumamit ng shabu at pagkatapos ay naghiwa-hiwalay na.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkita muli silang apat hanggang sa yayain siya sa isang madilim na lugar na may isang babaeng nakahiga, duguan at naghihingalo.
Sinabihan siya ng tatlong kasamahan na tutal ay nandoon na siya ay gahasain na rin niya ang dalagita na kanyang sinunod.
Sa impormasyong nakalap, sinaksak, pinukpok at sinakal ng bra ang kalunos-lunos na biktima hanggang sa mamatay ito.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong rape with homicide habang nakakulong sa istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III