MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang paraan ng presentasyon ng bank transactions sa House impeachment hearings, iginiit na lumabas na “bloated” ang halaga dahil pinagsama-sama ang mga transaksiyon sa loob ng ilang taon.
Sa press briefing, sinabi ni abogado Michael Poa na hindi niya sinasabing mali ang datos na inilabas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), ngunit kinuwestiyon niya ang paraan ng pagpapakita nito sa House justice committee.
“I think nakikita naman natin sa mga post na the way the AMLC numbers are presented, aggregate kasi ‘yan. Ibig sabihin, lahat ng withdrawals mo, lahat ng deposits mo pag dating sa inflow at outflow ay pinagsama-sama,” ani Poa.
“Simplehan ko lang, meron akong P1,000. Dineposit ko. Winidraw ko. Ang lalabas na total na transactions mo, P2,000 na. Pero actually, ang nasa bangko mo, zero na,” paliwanag ni Poa.
Naglabas ng pahayag si Poa matapos sabihin ng AMLC na may P6.7 bilyong covered at suspicious transactions na nakapangalan kay Duterte at sa asawa nitong si abogado Manases Carpio.
Kinumpirma rin ng AMLC na hindi bababa sa 18 transaksiyong inuugnay kay Duterte at sa kanyang pamilya, na binanggit sa affidavit ni dating senador Antonio Trillanes IV, ay tumugma sa kanilang records ng covered at suspicious transaction reports.
Tungkol sa pahayag ng ilang kongresista na hindi tugma ang mga transaksiyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte, sinabi ni Poa na isa na itong konklusyon.
“Yung salitang ‘hindi nagtutugma’ is a conclusion in itself. ‘Yan yung position namin. Para sa amin, actually, wala naman pong hindi nag tutugma. Perhaps it’s just the way things were presented,” aniya pa.
Dagdag niya, hindi awtomatikong nangangahulugan ng paglabag sa batas ang suspicious transactions.
“Perhaps the bank thought or tagged it as suspicious so umakyat sa AMLC. Nagkaroon ng suspicious transaction report. Hindi naman ibig sabihin noon ay illegal na agad, or may money laundering na agad, or may krimen na kaagad,” ani Poa.
Sinabi rin ni Poa na ang hindi pagdalo ni Duterte sa mga pagdinig ay nakabatay sa posisyon ng depensa na walang hurisdiksyon ang House committee. Handa rin aniya ang kanilang kampo kung umabot sa Senate impeachment court ang kaso. RNT