Home OPINION ANO BA TALAGA TUNAY NA BENEPISYO NG OFW?

ANO BA TALAGA TUNAY NA BENEPISYO NG OFW?

124
0

ANG pangmatagalang suporta at mga polisiyang dapat ipatupad para sa Overseas Filipino Workers ay dapat parehas hindi lamang tuwing may krisis at repatriation.

Sa kasalukuyan, may mga umiiral nang programa para sa OFWs—tulong pinansyal, repatriation assistance, livelihood support, legal aid, at scholarship para sa kanilang pamilya.

Mahalaga ang mga programang ito ngunit ang tanong: sapat na ba? Ang totoo, maraming OFW ang nakararamdam na ang tulong ng gobyerno ay madalas nakatuon lamang sa panahon ng krisis, kagipitan, o sakuna.

Maraming OFWs ang naloloko sa kontrata, napalitan ang trabaho, o nabigyan ng sahod na mas mababa kaysa sa napagkasunduan.

Dapat tiyakin ng pamahalaan na mas mahigpit ang pagscreen sa mga recruitment agency at mas mabilis ang aksyon laban sa illegal recruiters at mapagsamantalang employers. Hindi dapat ipinapasa sa OFW ang hirap ng paghahabol sa hustisya.

Isa sa pinakamalaking trahedya ng buhay-OFW ay ang katotohanang maraming taon silang nagtrabaho sa ibang bansa ngunit pag-uwi nila, muli silang nagsisimula ngunit hindi malaman kung paano gagawin ito.

Dapat may malinaw at seryosong programa ng gobyerno para sa pagretiro ng OFWs. Kailangang mabigyan ng training o kasanayan kaugnay sa kung paano palaguin ang perang ipinagkaloob para sa negosyo, at lokal na trabaho.

Hindi lamang OFW ang nagsasakripisyo—buong pamilya ang apektado. Ang mga anak ay lumalaking kulang sa gabay, ang asawa ay naiiwang pasan ang lahat ng responsibilidad, at ang relasyon ng pamilya ay sinusubok ng distansya.

Ang OFW ay hindi lamang “padala” o “remittance machine.” Sila ay mga Pilipinong may dignidad, karapatan, at pangarap. Hindi dapat sila ituring na pantapal sa kahinaan ng lokal na ekonomiya.

Kung seryoso ang gobyerno sa paggalang sa OFWs, dapat hindi lamang sila inaalala kapag may krisis—dapat silang pinahahalagahan habang sila’y buhay, nagtatrabaho, at nangangarap para sa kanilang pamilya.

Sa huli, ang tunay na malasakit sa mga manggagawa sa abroad ay hindi nasusukat sa dami ng press release, airport welcome, o emergency assistance package.

Masusukat ito sa mga polisiyang matibay, makatao, at pangmatagalan—mga patakarang hindi lang tumutulong kapag may trahedya, kundi tunay na nagtatanggol sa kanilang dangal, karapatan, at kinabukasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here