MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Risa Hontiveros na siya ay “naghahanda” at “seriously considering” sa pagtakbo bilang Pangulo sa 2028 elections matapos ihayag ni dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo na hindi na ito tatakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
“Naghahanda ako at dahil sinabi ko na dati, paulit ulit, na tuwing tinatanong kung bukas ako [tumakbo for presidency], willing ako, seriously considering it,” ani Hontiveros noong Sabado, Abril 25.
Ayon sa kanya, bukas pa rin siya na maging standard-bearer ng Liberal Party para sa 2028 habang wala pang napipiling kandidato ang partido. Iginagalang din niya ang desisyon ni Robredo na manatili sa lokal na pamahalaan, ngunit sinabi na susuportahan pa rin niya ito sakaling magbago ang isip.
Sa kasalukuyan, si Vice President Sara Duterte ang nangunguna sa mga survey para sa 2028 presidential race matapos na ihayag na rin ang kanyang kandidatura. Samantala, pumapangalawa si Robredo at lumalapit pa sa agwat kay Duterte sa ilang survey.
Ayon pa kay Hontiveros, mahalaga ang pagkakaisa sa hanay ng kanilang grupo at susuportahan nila kung sino ang “pinakamalakas” na kandidato.
“I’ve said from the start, hindi lang kung ano ‘yung decision or yung pag-change ng decision ng sinuman samin,” aniya.
“Basta ang akin, kung sino ang pinakamalakas mula sa aming hanay, ‘yun ang argument ko from the start, ‘yun ang suportahan namin para iisa lamang,” dagdag niya. RNT/MND