Home NATIONWIDE 41 magsasaka, pinalaya na sa utang sa gobyerno

41 magsasaka, pinalaya na sa utang sa gobyerno

103
0

MANILA, Philippines – Nakamit ng 41 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Buenavista, Quezon ang ganap na paglaya mula sa utang agraryo matapos igawad ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoM), na nagbura rin sa kanilang obligasyon sa estate tax ng kanilang mga lupang sakahan.

Ayon sa DAR, makatutulong ito upang makapagpokus na ang mga benepisyaryo sa pagpapaunlad ng kanilang pagsasaka matapos mabura ang kanilang amortisasyon, kabilang ang interes at surcharge.

Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na layunin ng programa na sabay na pagaanin ang pasanin ng mga ARB at matiyak ang proteksyon ng kanilang lupa laban sa buwis sa ari-arian. Tinukoy niya ang Section 7 ng Republic Act No. 11953 na nagsasaad na ang mga lupang ipinagkaloob sa ARB ay hindi isasama sa pagkukwenta ng estate tax kapag ipapasa sa kanilang tagapagmana.

“Inaasahang magiging masigasig ang ating ARBs na paunlarin ang kanilang sakahan at palaguin ang kanilang ani ngayong wala na silang iisipin pang mga bayarin sa lupa at buwis nito,” ani Estrella.

Hinikayat naman ni DAR-Quezon II OIC Ma. Gemma Esguerra ang mga benepisyaryo na alagaan ang kanilang lupang sakahan at samantalahin ang pagkakataon upang mapaunlad ito. Ayon sa kanya, “Matagal ninyo itong hinintay. Ngayon, panahon na para suklian ito sa pamamagitan ng sipag at pagsisikap.”

Ang naturang programa ay bahagi ng inisyatibo ng administrasyong Marcos Jr. para sa pagpapatawad sa utang agraryo, na sinusuportahan ng mga probisyon sa tax exemption na isinama sa batas na ipinasa ng Kongreso. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here