Home NATIONWIDE EPIRA rerepasuhin, lifeline rates subsidy tatanggalin ni Aquino

EPIRA rerepasuhin, lifeline rates subsidy tatanggalin ni Aquino

105
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang repasuhin ni Senador Bam Aquino ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang tuluyan nang tanggalin ang sinisingil na lifeline rates bilang subsidy sa mahihirap na pamilya na nagpapabigat sa pasanin ng middle class.

Sa pahayag, iginiit ni Aquino na dapat pondohan ng national budget ang lahat subsidiya at iba pang diskuwento sa kuryente upang maisulong ang mas mataas na antas ng transparency at sustainability, nang hindi nagpapataw ng dagdag na pasanin sa hindi nakatatanggap nito, partikular na ang mga low- at middle-income households.

Ipinunto ni Aquino sa kanyang Senate Resolution No. 375, na humihiling sa Committee on Energy na silipin ang disenyo, pagtukoy ng mga benepisyaryo, at pagpopondo ng mga subsidiya, partikular ang lifeline rate na itinatadhana sa ilalim ng Republic Act No. 9136 (Electric Power Industry Reform Act).

“Busisiin natin ang karagdagang bayad na ito. Marami nang naghihirap na Pilipino at middle class. Hindi na dapat dagdagan ang gastusin ng taumbayan kung may pera naman ang gobyerno para sa ayuda,” wika ni Aquino.

“Mahalagang malaman natin ang sistema ng pangongolekta at hindi ito napapasan ng mga kapwa naghihirap na kababayan natin sa middle class,” dagdag pa niya.

Aniya, kailangang suriin ang iba pang alternatibong mekanismo sa pagpopondo, kabilang ang paggamit ng pambansang badyet upang mapondohan ang bahagi o kabuuan nito, nang sa gayon ay maisulong ang transparency, pananagutan, at pagpapanatili sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa social protection.

Dapat ding tiyakin na ang mga naturang subsidiya ay hindi magdudulot ng hindi inaasahan o hindi proporsyonal na gastos sa mga konsyumer ng kuryente.

Batay sa pagtaya, maaaring magdagdag ang mga singil na may kaugnayan sa subsidiya ng ilang sentimo kada kilowatt-hour (kWh) o humigit-kumulang P20 hanggang P100 kada buwan sa mga bayarin sa kuryente ng mga hindi benepisyaryo, depende sa antas ng konsumo.

Inihain ng Senador ang resolusyon bilang tugon sa dumaraming reklamo ng mga konsyumer na ang mga subsidiya para sa mga marginalized end-users ay ipinapasa sa kanilang mga bill sa kuryente sa pamamagitan ng cross-subsidy mechanism.

“Current reliance on cross-subsidy mechanisms results in a redistribution of costs that may place a disproportionate and cumulative burden on non-beneficiary consumers, particularly low- and middle-income households who do not qualify for existing subsidies,” giit ni Aquino.

Binigyang diin ni Aquino ang pangangailangang tiyakin na ang mga polisiya sa social protection ay hindi magdudulot ng dagdag at maiiwasang pasanin sa mga ordinaryong konsyumer na hindi kwalipikado sa mga umiiral na subsidiya, sa pagsasabing sila ay nakararanas na ng mas mataas na pinansyal na pasanin dahil sa krisis sa langis.

Itinatakda ng Section 73 ng Republic Act No. 9136 ang lifeline rate, na isang subsidiya sa buwanang bayarin sa kuryente para sa mga marginalized end-users na nahihirapang magbayad ng buong halaga ng kuryente.

Pinalakas pa ang polisiyang ito sa pamamagitan ng Republic Act No. 11552 na nagpalawak sa mga kwalipikadong benepisyaryo, kabilang ang mga kabahayan sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa ilalim ng mga alituntunin ng Energy Regulatory Commission (ERC), ang mga benepisyaryong kumokonsumo ng zero hanggang limampung (50) kilowatt-hours (kWh) kada buwan ay maaaring makatanggap ng hanggang 100 porsyentong diskwento sa mga kaukulang singil sa kuryente.

Bukod sa lifeline rate, ang mga senior citizen ay tumatanggap ng 5 porsyentong diskwento sa bill ng kuryente para sa konsumo hanggang 100 kWh kada buwan sa ilalim ng Republic Act No. 9994, o Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Habang kinikilala niya ang lifeline rate bilang isang mahalagang hakbang upang matiyak na ang mga low-income households ay may access at kakayahang magbayad ng kuryente, sinabi ni Aquino na mahalaga ang patas at napapanatiling implementasyon nito nang hindi naglalagay ng hindi kinakailangang pasanin sa mga konsyumer.

“The objective of this policy review is not to remove or diminish the lifeline rate subsidy, but to ensure that it remains well-targeted, fiscally sustainable, and equitably financed, without unduly shifting the burden to other electricity consumers,” giit niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here