MANILA, Philippines – Posibleng maharap sa expulsion mula sa House of Representatives si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga dahil sa paulit-ulit na paglabag sa tamang asal at umano’y misconduct, ayon kay House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin nitong Martes.
Sinabi ito ni Garin kasunod ng muling pagdinig ng House ethics committee sa iba’t ibang reklamo laban kay Barzaga, na muling hindi dumalo sa pagdinig.
Tinalakay din sa komite ang reklamo ni Garin kaugnay ng umano’y pahayag ni Barzaga na nag-uugnay sa kanya at kay House Senior Deputy Majority Leader at Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor sa pagkamatay ni Dueñas, Iloilo Vice Mayor Aimee Paz Lamasan, na pumanaw noong Disyembre 2025 dahil sa accidental firing.
“The usual practice is suspension, suspension, then expulsion. And others were saying, maybe he should be allowed to undergo medical exam first, but that is internal to their family, and we don’t want to go into that direction,” ani Garin.
Bilang ex-officio member ng ethics panel, sinabi ni Garin na hindi nagpapakita ng pagsisisi si Barzaga sa kabila ng paulit-ulit na reklamo, kabilang ang umano’y pag-uugnay sa mga opisyal at negosyante sa korapsyon at paggawa ng mga pahayag na walang sapat na batayan.
“There’s the one alluding the NUP [linking them to corruption], then alluding to one of the business tycoons [also in reference of corruption]. And then he takes those statements back. But it does not stop there,” ani Garin.
Ikinuwento rin niya na madalas umanong lumilikha ng kaguluhan si Barzaga sa sesyon at nagsa-social media live habang may pagdinig.
“May pag-uusapan, bigla siyang mangugulo, bigla siyang mag-live chat, biglang mag-popoke ng mga cellphone,” dagdag niya.
Ayon pa kay Garin, minsan umanong sinabi ni Barzaga na mas gusto pa niyang ma-expel dahil mas mapapansin siya sa media.
“He kept on complaining, ‘Ay bakit hindi ako inexpel, bakit hindi ako inexpel, bakit suspended lang? If it was expulsion, I would land in the headlines,’” paggunita niya.
Nauna nang nasuspinde si Barzaga ng dalawang beses—60 araw noong Disyembre 2025 dahil sa disorderly behavior at social media posts, at isa pang 60 araw noong Pebrero 2026 dahil sa “utter contempt for institutional standards,” parehong walang sahod at allowances.
Ayon kay Garin, hindi naaayon sa inaasahan sa isang mambabatas ang ganitong asal.
“The bottom line is, if we talk about the Committee on Ethics, it is basically your decorum, maintaining respect, and doing your job as a member of Congress,” aniya.
Sa tanong kung karapat-dapat bang ma-expel ang mambabatas, tugon ni Garin: “Yes. Kasi walang nagbabago eh.”
Samantala, nanindigan si Barzaga sa kanyang mga pahayag: “I stand by my statements, The Philippine House of Representatives is an institution of failures and thieves, an embarrassment to our nation.” RNT