Home Uncategorized Akyat-bahay, timbog sa pagnanakaw sa bahay ng magulang ng ex sa QC

Akyat-bahay, timbog sa pagnanakaw sa bahay ng magulang ng ex sa QC

102
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 29-anyos na umano’y “akyat-bahay” matapos pagnakawan ang bahay ng mga magulang ng kanyang dating nobya sa North Olympus, Barangay Kaligayahan, Quezon City noong hapon ng Abril 24.

Sinabi ni Lt. Col. Gemmer Tubiera, commander ng Pasong Putik Police Station, na walang tao sa bahay dahil nasa ibang bansa ang mga may-ari. Natuklasan ang panloloob nang bumisita ang anak ng mga biktima at makitang may paglabag sa loob ng bahay.

Ayon sa pulisya, naabutan ang suspek na nagtatago sa loob ng isang cabinet nang pasukin ng mga awtoridad ang bahay.

“’Yong anak nung isang biktima natin na galing ng Laguna, gusto lang niya mag-ocular inspection kasi alam nga niya na walang tao ‘yung bahay ng parents niya. Nadiskubre niya, may tao doon sa loob ng bahay,” ani Tubiera.

Base sa imbestigasyon, dumaan ang suspek sa bubong upang makapasok sa bahay.

“Pumasok siya bandang alas-dos ng hapon mula sa bubong nung bahay. Tinanggal niya isa-isa ‘yung bubong po. Tapos through sa bubong, sa kisame, bumaba po siya. Doon nagsimula na siya maghalungkay ng mga gamit doon sa loob ng bahay,” dagdag niya.

Narekober mula sa suspek ang pera, ATM cards, at alahas na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P60,000.

Inamin ng suspek ang krimen at sinabing bunsod ito ng pangangailangan sa pera dahil sa sugal at sa nalalapit na panganganak ng kanyang kasalukuyang kinakasama. Humingi rin siya ng paumanhin sa kanyang dating kasintahan at pamilya nito.

“Ako po ay humihingi ng sobra-sobrang patawad po… Sana po patawarin niyo ako at willing po ang aking sarili at aking pamilya na bayaran lahat ng nasira ko pong gamit during the robbery,” aniya.

Ayon sa pulisya, wala namang dating record ang suspek, ngunit nahaharap na ito ngayon sa kasong robbery at kasalukuyang nakakulong sa Pasong Putik Police Station. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here