MANILA, Philippines – Aabot sa “danger” level ang heat index sa 13 lugar sa bansa ngayong Sabado, Mayo 2, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ang heat index ay sukat ng init na nararamdaman ng tao batay sa temperatura at halumigmig ng hangin. Ang “danger” level ay nasa 42°C hanggang 51°C, kung saan maaaring makaranas ng heat cramps, heat exhaustion, at posibleng heat stroke kapag matagal na na-expose sa init.
Pinakamataas ang inaasahang heat index sa Dagupan City, Pangasinan na aabot sa 44°C.
Iba pang mga lugar na makakaranas ng “danger” level na init ay ang mga sumusunod: Sinait, Ilocos Sur — 43°C Laoag City, Ilocos Norte — 43°C MMSU, Batac, Ilocos Norte — 43°C Bacnotan, La Union — 43°C Aparri, Cagayan — 43°C Sangley Point, Cavite City, Cavite — 43°C Virac, Catanduanes — 43°C Tuguegarao City, Cagayan — 42°C ISU Echague, Isabela — 42°C TAU Camiling, Tarlac — 42°C Catarman, Northern Samar — 42°C Cotabato City, Maguindanao del Norte — 42°C
Samantala, sa Metro Manila, inaasahang aabot sa 40°C ang heat index sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay at Science Garden sa Quezon City, na nasa “extreme caution” level (33°C hanggang 41°C). Sa antas na ito, maaari pa ring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, at posibleng magdulot ng heat stroke kapag nagpatuloy ang matinding aktibidad sa init.
Pinayuhan ng Pagasa ang publiko na limitahan ang paglabas, uminom ng maraming tubig, iwasan ang tsaa, kape, soft drinks, at alak, gumamit ng payong o sumbrero at damit na may manggas, at gawin ang mabibigat na gawain sa mas malamig na oras ng araw. RNT/MND