MANILA, Philippines – Inaasahang haharap sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Nobyembre 5 si dating Bangsamoro parliament member Edrieza Hadji Nasser Rimbang kaugnay ng tangkang pagpupuslit ng tinatayang P3.5 bilyong halaga ng ilegal na droga mula Laos patungong Pilipinas.
Ayon kay PDEA spokesperson Joseph Frederick Calulut, nagtungo sa kanilang tanggapan ang mga abogado ni Rimbang at nangakong ihaharap siya sa ahensya sa nasabing petsa.
Kabilang si Rimbang sa 11 persons of interest na pinadalhan ng subpoena kaugnay ng kaso. Dalawa pa umano sa kanila ang hindi pa humaharap sa mga awtoridad.
Sinabi ni Calulut na hindi ipinaliwanag ng mga abogado kung bakit hindi agad nakaharap si Rimbang sa PDEA.
Batay umano sa ebidensyang hawak ng investigators, patuloy na itinuturing ng PDEA si Rimbang bilang posibleng mastermind at financier ng drug shipment.
Gayunman, hinihintay pa rin ng ahensya ang kanyang pormal na pahayag at affidavit bago makumpleto ang imbestigasyon.
Nauna nang itinanggi ni Rimbang ang kanyang pagkakasangkot sa operasyon at sinabing walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya.
Noong Oktubre 1, naharang ng mga awtoridad sa Laos ang tinatayang P3.5 bilyong halaga ng ilegal na droga na sakay umano ng private plane na patungong Pilipinas. Dave Medina