BATANGAS, Philippines – Patay ang isang pasahero matapos umanong mahulog sa dagat mula sa isang sasakyang-dagat sa bahagi ng Verde Island Passage noong Mayo 1, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PCG Batangas, nakatanggap ng ulat ang Isla Verde substation na nahulog ang lalaki sa dagat at kalaunan ay natagpuang walang malay na lumulutang. Agad siyang sinagip ng mga tripulante ng barkong patungong Calapan City.
Rumesponde ang Coast Guard at medical team, nagbigay ng paunang lunas, at dinala ang biktima sa Batangas Medical Center kung saan idineklara siyang dead on arrival.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakasandal umano ang biktima sa railing ng barko bago mahulog mula sa upper deck, at wala namang naitalang problema bago ang insidente.
Tumulong ang PCG sa pamilya ng biktima at nakipag-ugnayan sa shipping company para sa pag-uwi ng kanyang labi sa Bulalacao.
Muling pinaalalahanan ng PCG ang mga pasahero na sundin ang mga safety protocol habang nasa biyahe sa dagat. RNT/MND