MANILA, Philippines – Maaaring mag-convene agad ang Senado bilang impeachment court sa sandaling matanggap nito ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio, pero maaaring sa Hunyo pa magsimula ang mismong paglilitis, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.
Ani Lacson, bagama’t nais ni Senate President Vicente Sotto III na agad mag-convene ang impeachment court, maaaring kailanganin ng hindi bababa sa tatlong linggo para sa mga proseso tulad ng pagpapadala ng summons at reply, at preliminary conference para sa stipulations at posibleng “marking of evidence” bago magsimula ang trial.
“Kailangan ma-transmit muna sa amin ang Articles of Impeachment. Kung susundin natin ang ganoong proseso, hindi ganoon kadali yan. We’re talking of at least three weeks siguro bago talaga makapagsimula ang trial, at the very least,” aniya sa panayam sa DZMM radio.
Sinabi niya na ang preliminary conference o “pre-trial” ay maaaring isagawa ng Senate President o ng kanyang legal adviser upang tukuyin kung anu-anong mga isyu ang pwedeng tatalakayin sa paglilitis.
Binalikan ni Lacson ang impeachment trial ng yumaong dating Chief Justice Renato Corona, na aniya’y nagkaroon ng kalituhan dahil sa kawalan ng maagang pre-trial, na nagresulta sa pagpasok ng mga “surprise” na testigo sa kalagitnaan ng paglilitis.
“Ang natandaan ko noong panahon ng trial ni former Chief Justice Corona, hindi nagkaroon ng preliminary conference. So bandang gitna nang nagkagulo-gulo, kung anu-ano napasok na testigo doon lang nagsagawa ng preliminary conference or pretrial. So mas mainam sa simula pa lang maliwanag na anong tatalakayin sa trial, ang tinanggap na ng magkabilang panig. Di na yan paguusapan at pagdedebatehan ng prosecution and defense,” aniya.
Kaugnay ng posibilidad na maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema, sinabi ni Lacson na magpupulong ang Impeachment Court upang talakayin ito – at kung kinakailangan, pagbotohan ang nararapat na hakbang.
“Palagay ko hanggang walang ini-issue na TRO, tuloy-tuloy ang pagdinig, ang trial. Unless i-compel kami. At yan paguusapan namin yan. Ang impeachment court ay constitutional body yan at sinabi ng SC ginagalang nila coequal not only the Senate kundi also mismong impeachment court. Ang decision ng impeachment court is unappealable. Di pwede itong iapela sa SC. Final yan,” aniya.
“Hindi ko sinasabing option (na hindi sundin ang TRO). Pero kailangang pagusapan namin at pagbotohan namin. We will always make decisions based on the majority,” dagdag niya.
Sa paghahanda para sa posibleng impeachment trial, sinabi ni Lacson na nagsagawa ng pulong ang mga senador noong Huwebes upang talakayin ang usapin.
Ayon sa kanya, pinaalalahanan ang mga dumalo na mag-“act like judges” at iwasang magmukhang kumikiling sa prosecution o defense. Dagdag pa niya, dumalo si Sen. Robinhood Padilla, miyembro ng minority bloc, at inatasang iparating ang paalalang ito sa kanyang mga kasamahan.
“At kami makikinig lang kami sa mga tanong na direkta at cross examination at doon kami magbabase ng aming decision kung ano ang evidence na tingin namin makaka-guide sa amin kung kami ba ay magko-convict or mag-a-acquit,” ani Lacson.
Sinabi rin ni Lacson na habang naghahanda siya para sa posibleng paglilitis sa pamamagitan ng pagkuha ng crash courses, aasa rin siya sa kanyang karanasan bilang senator-judge sa Corona trial at bilang testigo noong siya ay alagad ng batas.
“Nagbiro ako kamakalawa, na kung experience nila sa korte paguusapan baka mas experienced ako sa kanila di bilang lawyer kundi either witness kasi noong law enforcer ako, malimit akong natatawag sa witness stand bilang testigo, arresting officer o kung hindi naman, bilang akusado,” aniya.
Dagdag pa ni Lacson, may humigit-kumulang P27 milyon na maaaring magamit para sa impeachment trial, dahil P512,000 pa lamang sa P27.544 milyong inilaan sa 2025 budget para sa nakaraang impeachment complaint ang nagastos—para sa robes ng 60 senator-judges, IDs, at iba pang kagamitan.
“Under continuing appropriations yan. So maski na-appropriate sa 2025, meron pa silang one year, buong 2026 para magamit. Kung di magamit, magiging savings yan at ibabalik sa treasury,” aniya. Ernie Reyes