Home TOP STORIES Mas matibay na suporta sa cultural heritage, isinusulong ni Villar

Mas matibay na suporta sa cultural heritage, isinusulong ni Villar

70
0

PASAY CITY — Naghain si Senator Mark A. Villar ng panukalang batas na layong palakasin ang pangangalaga at proteksyon sa mga pamanang kultural at makasaysayan sa bansa sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ilang probisyon ng Republic Act No. 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009.

Ayon kay Villar, layunin ng panukala na tugunan ang matagal nang suliranin sa pangangalaga ng heritage sites tulad ng kakulangan sa pondo, mahinang suporta ng mga institusyon, panganib sa kalamidad, at mababang kamalayan ng publiko. Giit niya, hindi sapat ang kasalukuyang batas upang matiyak ang epektibong proteksyon at pagpapanatili ng mga yamang kultural.

Binigyang-diin ni Senador Mark A. Villar ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na insentibo upang maging mas mapanatili ang pangangalaga sa mga pamanang kultural at makasaysayan. Ang kanyang panukalang amyenda sa Republic Act No. 10066, ay naglalayong palakasin ang aktibong partisipasyon ng pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga instentibo na tax exemptions, restoration credits, at iba pang suporta—upang masiguro na tatagal at maipapasa sa susunod na henerasyon ang kultural at historikal na mga pamana.

“Our identity is deeply rooted in our culture and history—reflected in our landmarks, historical sites, and heritage structures. Hindi sapat ang pagkilala lamang sa kanilang kahalagahan; dapat din nating tiyakin na may sapat na suporta at insentibo para sa maayos na pag-gamit, pananatili at nangangalaga nito,” ani Villar.

Sa ilalim ng panukala, hahatiin sa iba’t ibang kategorya ang mga cultural property. Sakop ng Grade I ang mga World Heritage Site, National Cultural Treasures, at mga opisyal na historical landmark, shrine at monumento. Kabilang naman sa Grade II ang mga likha ng National Artists at Manlilikha ng Bayan, archaeological at ethnographic materials, mga istrukturang hindi bababa sa 50 taong gulang, at mga makasaysayang dokumento.

Magbibigay rin ito ng mga insentibong pinansyal tulad ng exemption sa estate tax, capital gains tax, at documentary stamp tax, gayundin ng real property tax relief para sa mga kwalipikadong heritage structure. Papayagan din ang pag-credit ng gastos sa restoration at conservation para sa mga high-value cultural properties.

Para sa Grade III properties, maaaring magpasa ang mga lokal na pamahalaan ng ordinansa para sa tax exemption upang hikayatin ang partisipasyon ng komunidad sa pangangalaga ng heritage sites.

Papalakasin din ng panukala ang parusa laban sa ilegal na pagsira, pagbabago, o maling paggamit ng cultural properties.

“Ang pangangalaga sa mga pamana ng ating lahi ay tungkulin nating lahat… Sa pamamagitan ng mas pinagtibay na batas at suporta ng pribadong sektor, mapapangalagaan natin ang ating kasaysayan para sa susunod na henerasyon,” ani Villar.

Umaasa si Villar sa agarang pagpasa ng panukala, at binigyang-diin na mahalaga ang heritage preservation sa pagpapatibay ng pambansang identidad at pagpapalago ng turismo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here