BUGUEY, Cagayan – Umaabot sa mahigit kumulang na P455K halaga ng pinaniniwalaang shabu ang narekober sa pagsalakay ng mga awtoridad sa bahay ng barangay secretary at asawa sa San Juan, Buguey, Cagayan, kagabi.
Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Marlou del Castillo, hepe ng Buguey Police Station, kay PBGen. Mariano Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office 02 o PRO2, ang mga suspek ay itinago ng pulisya sa pangalang “Ruth,” 54-anyos, barangay secretary, at asawa nitong si alyas “Oyo,” 58-anyos, walang trabaho, na residente sa naturang lugar.
Isinilbi ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit-Provincial Drug Enforcement Unit (PIU-PDEU) ng CPPO, katuwang ang Buguey Police Station at iba pang yunit ng pulisya, ang inilabas na search warrant ni Aparri RTC Branch 6 Judge Neljoe A. Saksi sa DZCV at dalawang barangay kagawad sa isinagawang paghalughog sa bahay nina Oyo at Ruth.
Sa isinagawang operasyon, unang natagpuan ng mga operatiba sa loob ng kalderong ginagamit bilang bigasan sa mismong kusina ng bahay ang dalawang sachet na may laman na hinihinalang shabu. Walong karagdagang sachet ang nakuha sa kuwarto ng bahay na nakasilid sa isang plastic box.
Nakita rin ng searching team ang dalawa pang sachet na nakatago sa souvenir cup na nakapatong sa built-in cabinet sa loob ng kuwarto. Ang isa pang sachet ay narekober sa loob ng isa pang kuwarto kung saan natagpuan ang isang itim na bag na pagmamay-ari diumano ni alyas Ruth.
Sa kabuuan, umabot sa 13 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang narekober ng mga awtoridad. Tinatayang may kabuuang timbang ang mga kontrabando na 67 grams at tinatayang may street value na ₱455,600 pesos.
Napag-alaman na matagal nang nasa surveillance operation ang dalawa dahil umano sa talamak na bentahan ng ilegal na droga sa kanilang lugar.
Habang isinasagawa rin ang operasyon, nakakita pa ang mga operatiba ng mga notebook na nakalagay sa loob ng unan kung saan nakasulat ang mga transaksyon ng mag-asawa.
Kabilang sina Oyo at Ruth sa mga High Value Target Drug Individuals o HVT.
Matapos ang imbentaryo, agad na dinala ang mag-asawa sa Buguey Police Station para sa kaukulang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.