MANILA, Philippines – Tahasang nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa agarang pagpasa ng ₱200 legislated daily minimum wage increase at tax cuts para sa middle class sa gitna ng 7.2% inflation ngayong Abril, ang pinakamataas sa loob ng tatlong taon.
Ayon sa TUCP, ang biglang pag-angat ng inflation mula sa 4.1% noong Marso ay lampas pa sa projection ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 5.6–6.4%, at lalong malayo sa 2–4% target ng mga economic manager ng bansa.
“Prices are not merely rising faster than wages but are surging far beyond the scale of our Government’s response,” pahayag ni TUCP Party-list Representative at House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza.
Iginiit ng mambabatas na noon pa lamang ay naghain na sila ng mga solusyon upang maibsan ang hirap ng mga manggagawa, kasama rito ang House Bill No. 88 na inihain noong Hunyo 30, 2025, na naglalayong magpatupad ng ₱200 daily minimum wage increase.
Ang House Bill No. 6740 na inihain noong Disyembre 10, 2025, ay naglalayong alisin ang 12% Value-Added Tax (VAT) sa kuryente upang matugunan ang nararanasang “bill shock.”
At ang House Bill No. 8860 (PATAS Act) na naglalayong palawakin ang income tax exemptions para sa lower middle-income earners at magbigay ng diskwento sa buwis para sa buong middle class. Gail Mendoza