MANILA, Philippines – Pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasabay ng patuloy na paghahain ng certificates of candidacy (COCs) para sa 2026 parliamentary elections.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng PNP na dinagdagan ang police visibility sa mga pangunahing lugar at naglagay ng mga karagdagang checkpoint upang maiwasan ang anumang aberya sa kapayapaan at kaayusan.
“We are committed to making the first Bangsamoro parliamentary elections safe, fair, and credible,” pahayag ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
“As the filing of certificates of candidacy ends, our personnel on the ground will be on alert against any form of threat to the peace and security situation in the region,” dagdag niya.
Itinakda ng Commission on Elections (COMELEC) ang filing period para sa certificates of candidacy ng mga parliamentary district representatives mula May 5 hanggang May 7.
Ipinag-utos din ni Nartatez sa mga police commander sa BARMM na makipag-ugnayan nang mahigpit sa mga local government unit at barangay officials upang palakasin ang paghahanda sa seguridad ng halalan.
“Our police officers will closely work with local chief executives, especially barangay officials, to ensure that the achievements of the Bangsamoro peace process will be protected. Ingatan at poprotektahan natin ang kapayapaan na ating nakamit,” ani Nartatez.
“Sisiguraduhin naming ligtas at maayos ang halalan,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng mas mahigpit na alerto, sinabi ng PNP na wala pang naitatalang banta sa seguridad kaugnay ng COC filing period.
Magpapatuloy ang security operations habang patuloy ang paghahanda para sa BARMM parliamentary elections na nakatakda sa September 14. Aabot sa 9,000 pulis ang ide-deploy, ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR). RNT